Ni: Dave M. Veridiano, E.E.

NITONG mga nakaraang araw ay sinasadya kong mag-commute papunta sa aking mga ka-meeting sa iba’t ibang lugar, upang samantalahin ang pagkakataong makasalamuha ang mga taong paruo’t parito sa mga pangunahing kalsada at bangketa sa Maynila. Ang aking dahilan – pakiramdam ko kasi ay nakukuha ko ang tunay na pulso ng bayan sa mga ordinaryong tao na kumakatawan sa malaking bahagi ng lipunan.

Gaya ng nabanggit sa mga nakaraan kong kolum, paborito kong lugar ang mga terminal ng pampasaherong bus, jeep, UV, FX at tricycle. Sa mga lugar kasing ito naiipon ang mga taong habang naghihintay na makasakay ay nanonood at nakikinig ng balita. Madalas kong matiyempuhan na balita ang kanilang pinanonood kasabay ng pagpapalitan ng opinyon.

Siyempre, ‘di ko rin maisasantabi ang mga lugar na pinaghaharian ng mga vendor, gaya ng mga bangketang malapit sa mga palengke at sa malalaking mall. Huwag nating maliitin ang mga taong ito dahil halos buong araw ay nakapagkit ang kanilang mga mata at tenga sa mga portabol TV at radyo kaya siguradong updated sila sa mga nangyayari sa buong bansa.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Pakiwari ko pa nga – hindi lang sila basta-basta updated, bagkus mas ramdam nila, sabi nga ng mga ka-Facebook kong teenager ay mas “nakaka-relate” sila, ang takbo ng istorya ng mga tinatawag na “anakpawis” sa bansa dahil ganoon mismo ang nangyayari sa kanila sa araw-araw nilang paglalagi sa bangketa.

Ngunit sa kabila nito, ‘di ko pa rin inaalis sa aking isipan na malaki rin ang kanilang bahagi sa pagkakahalal ng mga mandarambong na pulitiko na agad itinataguyod ng kanilang grupo kapalit ng panandaliang saya at konting barya para sa kanilang mga boto.

At dahil sa madalas kong pagko-commute para makaiwas sa mataas na presyo ng gasolina, mahal na parking fee at ngawit na tuhod sa pagmamaneho sa gitna ng ‘di gumagalaw na daloy ng trapiko sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila, dadalas ang pagbabahagi ko ng mga kuru-kuro at “unconfirmed intelligence information” (read: TSISMIS) na nasasagap ko sa mga kalsada at bangketa.

Sampol: Sariwang “intel info” na naulinigan ko sa isang grupo ng mga vendor sa Quiapo na dating taga-Mindanao ngunit mas piniling dito sa Maynila magnegosyo para makaiwas sa gulo. Pinag-uusapan nila ang raid kamakailan ng Navy Seal sa pinagkukutaan ng mga sniper ng bandidong Maute sa isang kabayanang nasa sentro ng Marawi, na nagpapahirap sa mga lumulusob na puwersa ng pamahalaan.

Planado ang pag-atake ng mga Navy Seal. Ibinaba sila sa gawing likuran ng kabayanang mula sa isang C-130 ng Philippine Navy (PN) upang doon aatakehin ang mga kalaban. Laking gulat ng Navy Seal nang salubungin sila ng walang humpay na putukan mula sa mga nakapuwesto, naghihintay at handang-handang mga kalaban – sa madaling sabi, buking ang paglusob ng Navy Seal.

Paano napaghandaan ng kalaban ang plano ng Navy Seal? Sino ang nag-leak sa CONFIDENTIAL na pag-atake ng Navy Seal?

Ang sagot ay narinig ko sa isang matandang vendor na nakaupo sa isang sulok sa bangketa na biglang sumabat sa usapan:

“Ang leak siguradong galing sa kamag-anak ng mga Maute na miyembro ng MILF na kasama sa nakikipag-usap ng peace process sa pamahalaan. May kasunduan kasing kailangang mag-coordinate sa MILF ang AFP kapag lulusob sa lugar na malapit sa kampo nila.”

Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]