Ni: Mary Ann Santiago

Nalagutan ng hininga ang isang lalaki nang pigilan nito ang mga pulis sa pag-aresto sa kanyang kinakasama, na nakuhanan ng shabu, at sa menor de edad nilang kapitbahay, na nakuhanan ng baril, sa Tondo, Maynila kahapon ng madaling araw.

Hindi na umabot nang buhay sa Gat Andres Memorial Medical Center si Ramer Madis, 41, ng Gate 20, Area F, Parola Compound, sa Tondo.

Samantala, arestado naman si Crizelda Bohol, 38, live-in partner ni Madis, at ang 17-anyos nilang kapitbahay.

Basta ma-expel din mga sangkot? Rep. Barzaga, tanggap expulsion sa isang kondisyon

Sa ulat ni SPO4 Glenzor Vallejo, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 12:45 ng madaling araw nangyari ang insidente.

Una rito, nagpapatrulya ang mga tauhan ng Delpan Police Community Precinct (PCP), sa pangunguna ni Police Chief Insp. Michael Garcia, nang lapitan sila ng isang concerned citizen at sinabing namataan ang isang lalaki na may bitbit na baril.

Agad pinuntahan ng awtoridad ang lugar at namataan ang 17-anyos na suspek at inaresto.

Pinigilan ni Bohol ang mga pulis sa pag-aresto sa menor de edad na suspek kaya pinakalma ito ni PO3 Lester Caguintuan.

Sa pagpapakalma kay Bohol, nakumpiska sa kanya ang dalawang pakete ng hinihinalang shabu.

Dahil dito, isinakay na sa sasakyan ang dalawang suspek upang dalhin sa presinto nang sumulpot si Damis na may bitbit na magnum .357 revolver at pinaputukan ang mga alagad ng batas.

Hindi na nagdalawang isip ang awtoridad na barilin si Damis na naging sanhi ng pagkamatay nito.

Bukod sa baril, nakuha mula kay Damis ang apat na pakete ng hinihinalang shabu.

Nakatakdang sampahan si Bohol ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), gayundin ang menor de edad na suspek na sasampahan ng kasong paglabag sa RA 10591 (Illegal Possession of Firearms).