NAGDAOS ang Korte Suprema ng tatlong araw na oral hearings nitong Hunyo 13, 14, at 15, sa tatlong pinag-isang petisyon na kumukuwestiyon sa legalidad ng Proclamation No. 216 na nagdedeklara ng batas militar at nagsuspinde sa writ of habeas corpus sa Mindanao. Nakaantabay tayo ngayon sa Hulyo 5 sa pagpupulong en banc ng kataas-taasang hukuman at pagdedesisyon sa usapin sa araw na iyon o sa susunod.
Hiniling sa korte ng tatlong petisyon na desisyunan kung may aktuwal — at hindi lamang banta — na rebelyon o pagsalakay; at kung ang rebelyon, sakaling umiiral nga, ay labis na nakaaapekto upang saklawin ng proklamasyon ang buong Mindanao. Inihayag ng mga opisyal ng administrasyon na ang pag-atake ng Maute sa Marawi City, sa tulong ng mga mandirigma ng Islamic State mula sa iba’t ibang bansa, ay nagpapatunay na totoong may rebelyon. At dahil madali lamang para sa mga rebelde ang magpalipat-lipat ng lugar sa Mindanao, anila, may katwiran para magdeklara ng malawakang batas militar sa Mindanao.
At dahil nagpapatuloy pa rin hanggang ngayon ang bakbakan sa Marawi, matutukoy ng Korte Suprema na tunay na may nangyayaring rebelyon, ayon sa ilang legal na awtoridad, ngunit umaasa silang magtatakda ang hukuman ng mga limitasyon sa proklamasyon sa lugar na sasaklawin nito sa Mindanao. May mga pangambang palawakin pa ang proklamasyon sa buong bansa. Ang desisyon ng Korte Suprema sa usaping ito ay makatutulong upang mapawi ang mga pangambang ito.
Bukod sa tatlong petisyon na kumukuwestiyon sa legalidad ng proklamasyon, may dalawa pang petisyon na hangad namang obligahin ang Kongreso na magsagawa ng joint session at desisyunan, kung pawawalang-bisa o palalawigin ang idineklarang batas militar. Inaprubahan ng Senado at ng Kamara de Representantes ang magkahiwalay na resolusyon na sumusuporta sa proklamasyon, ngunit partikular na inoobliga ng Konstitusyon ang Kongreso na pagpasyahan ang usapin sa pamamagitan ng “voting jointly.”
Marahil mukhang simpleng isyu ng proseso lamang ito, at kapwa sinabi ng mga pinuno ng Senado at Kamara na hindi na kailangang magsagawa ng joint session dahil nagpahayag naman na ang mga kasapi ng dalawang kapulungan ng kanilang mga opinyon sa kani-kanilang resolusyon. Walang intensiyon ang mga miyembro na tanggihan ang batas militar, anila.
Gayunman, ito ay paniniwala lamang ng mga pinuno ng dalawang kapulungan. Pinakamainam marahil na tumalima na lamang sa Konstitusyon at pagsama-samahin ang kanilang mga boto — sa isang joint session, siyempre pa — na obligado ang bawat kasapi na bumoto upang matukoy kung makukuha ang kinakailangang boto ng mayorya.
Sa usaping ito ng joint session, hiniling ng Korte Suprema ang komento nina Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III at House Speaker Pantaleon Alvarez sa isyu sa loob ng 10 araw matapos tanggapin ng mga ito ang resolusyon ng korte na may petsang Hunyo 13. Pinangangambahang magkaroon ng constitutional crisis sa usaping ito dahil kapwa sinabi nina Pimentel at Alvarez na dapat lamang bumoto ang Kongreso sa isang joint session kung may planong pawalang-bisa o palawigin ang batas militar.
Masyado na tayong maraming alalahanin sa pagpapatuloy ng bakbakan sa Marawi City. Umasa tayong hindi na magkaroon pa ng alitan ang matataas na opisyal ng ating gobyerno sa panahong ito na ginigiyagis ang Pilipinas ng matitinding hamon bilang isang bansa.