Ni: PNA

PATULOY na isinusulong ng Department of Heath (DoH)-Region 11 ang kampanya para sa kamalayan sa pag-iwas sa sakit sa bato at paghikayat sa publiko na ipasuri ang kanilang mga kidney bago mahuli ang lahat.

Ayon kay Maria Theresa L.Bad-ang, tagapagsalita ng Renal Disease Control Program ng DoH-11, naglunsad sila ng iba’t ibang uri ng pagtataguyod sa aktibidad na ito upang madagdagan ang kamalayan ng publiko, at mabigyang-linaw ang puntong pag-iwas sa pagkain ng maaalat, matatamis at mga processed na pagkain.

Dagdag pa niya, kinakailangan ang pagsusumite ng urinalysis upang suriin ang porsiyento ng protina sa ihi, blood chemistry sa dugo upang surrin ang sugar level, at regular na pagsusuri sa blood pressure.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Higit pa sa tradisyon, si Hesus ang sentro ng Pasko

Idiniin pa ni Bad-ang na dapat ipasuri ng mga tao ang kanilang mga bato upang maagapan kung may kumplikasyon at huwag nang hintaying hindi na mapakinabangan ang mga ito.

“The kidneys also age,” saad ni Bad-ang, na binibigyang-diin na ang mga bato ay mahagalagang organs na may maraming silbi sa katawan, kabilang ang paggawa ng hormones, pagsipsip ng mineral, at pagsasala ng dugo, at paggawa ng ihi.

Gayunman, sinabi pa ni Bad-ang na itinatanggi ng mga tao ang pagkakaroon ng kidney disorder. Aniya, nasa 60 porsiyento ng mga natukoy na may sakit sa bato ang hindi alam na nasa stage 4 na sila.

Sinabi niya na ang sakit sa bato ay isang silent disease.

Ayon sa kanya, ang sakit sa bato ay mula sa stage 1 hanggang 5. Ang mga nasa ilalim ng yugtong 4 at 5 ay dapat na sumailalim sa dialysis at karagdagang antas hanggang sa transplant ng bato.

Ang pagkabigo ng bato ay nauugnay sa diabetes at hypertension at ang dalawang nabanggit na sakit ay may kaugnayan sa pamumuhay o bisyo, tulad ng paninigarilyo, pag-inom ng alak, kakulangan ng pisikal na gawain, at hindi pagkonsumo ng tamang uri ng pagkain.

Samantala, sinabi niya na may walong nephrologist lang sa rehiyon at 44 na dialysis center.

Noong 2016, ang Davao City ay nagdagdag ng 2,743 sa bilang ng mga pasyenteng may sakit sa bato habang ang kabuuang bilang sa Pilipinas na sumailalim sa dialysis ay umabot na sa 18,603.

Gayunpaman, aniya, ang bilang na ito ay “tip of the iceberg” lamang dahil marami pang mga may sakit sa bato ang hindi kumukonsulta sa mga espesyalista.