Ni edwin rollon
DINISPATSA ni dating Philippine No.1 Marian Jade Capadocia ang mga liyamadong karibal para makausad sa main draw ng International Tennis Federation (ITF) Women’s Circuit nitong weekend sa Alakmaar, Netherlands.
Pinatalsik ni Capadocia si world ranked No. 1225 American Caroline Dunleavy, 6-2, 6-2, sa first qualifying round bago nanaig kay local bet Shura Poppe, 6-3, 6-0, sa final qualifying para makakuha ng slot sa main draw ng world ranking meet.
“Maganda po kondisyon ko, medyo ganado. Malakas sa service play ang kalaban, pero okey naman po at nakontrol ko yung atake nila,” pahayag ng 23-anyos SEA Games campaigner sa pamamagitan ng kanyang ina na si Teresita sa Facebook message.
“Nagpapasalamat po ako sa Philippine Sports Commission (PSC) Board, sa pamumuno ni Chairman William Ramirez sa suporta at tiwalang ibinigay sa akin para makasali sa tournament,” sambit ni Capadocia, umaasang makakasikwat ng 20 world ranking points sa Tour.
Sinagot ng PSC ang gastusin at allowance ni Capadocia sa pagsabak sa ITF World Circuit matapos magmatigas ang Philippine Amateur Tennis Association (Philta) sa desisyon na huwag tanggapin sa National Team ang ang pambato ng Arellano University.
Inalis ng Philta sa line-up si Capadocia bunsod nang personal na alitan ng kanyang ina kay secretary-general Romeo Magat. Lumalala ang pulitika sa asosasyon dahilan para bawiin ng mga major stakeholder, sa pangunguna ni businessman/tournament organizer Jean Philip Lhuillier , ang suporta sa tennis federation.
“Gustong-gusto ko pong maglaro sa National Team, pero talagang ayaw nila akong ibalik. Kahit tryouts okey sa akin, pero wala silang pakialam,” sambit ni Capadocia.
Bunsod nito, ipinagpatuloy ni Capadocia ang pagsasanay sa Amstelpark Tennis Academy sa Netherland, sa tulong ng PSC, kasabay ang pagsabak sa ITF meet dito.
Magsisimula ang first round ng Alkmaar championship main draw sa Martes (Miyerkules sa Manila) kung saan mapapalaban si Capadocia kay Nikki Redelijk ng United States.
Mula sa Netherland, sasabak si Capadocia sa ITF Circuit sa Haan, Belgium. Mula rito, magbabalik-bansa siya para sumama sa Arellano University team na kabilang sa Philippine delegation sa prestihiyosong World University Games sa Taipei, Taiwan sa Agosto 19-30.