Ni: Joseph Jubelag
KORONADAL CITY, South Cotabato – Naghain na ng mga kaso ng rebelyon ang pulisya laban sa isang provincial officer ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na iniuugnay sa mga teroristang Maute Group, na may alyansa sa Islamic State.
Sinabi ni Senior Supt. Franklin Alvero, South Cotabato Police Provincial Office director, na una nang sumuko si TESDA-South Cotabato chief Engr. Talib Bayabao sa mga pulis makaraang madawit ang kanyang pangalan sa 185 kataong ipinaaaresto ng martial law administrator na si Defense Secretary Delfin Lorenzana kaugnay ng pagsalakay sa Marawi City.
Ayon kay Alvero, naisampa na ang kasong rebelyon laban kay Bayabao, na dating nagsilbing city engineer ng pamahalaang lungsod ng Marawi.
Sinabi ng pulisya na kabilang si Bayabao sa umano’y mga financier ng Maute.
Itinanggi naman ni Bayabao na may kaugnayan siya sa Maute, ngunit inaming dati siyang city engineer ng Marawi City sa ilalim ng pamumuno ng mga dating alkalde na sina Omar Solitario Ali at Fajad Salic, na kabilang din sa listahan ng mga aarestuhin kaugnay ng krisis sa Marawi.
“My conscience is clear, that’s why I surrender voluntarily to clear my name,” giit ni Bayabao, na Disyembre 2016 nang italagang TESDA provincial chief sa South Cotabato.