Ni GENALYN D. KABILING

Pahihintulutan ng Pilipinas ang Indonesian at Malaysian naval forces na habulin ang mga Islamic militant na pumapasok sa karagatan ng bansa bilang bahagi ng bagong border patrol arrangement.

Ang trilateral maritime patrol, pormal na inilunsad kahapon sa Indonesia, ay naglalayong labanan ang terorismo, pamimirata, at iba pang transnational crimes sa karagatan sa rehiyon, ayon kay Armed Forces spokesman Restituto Padilla.

“In the event of hot pursuit, puwedeng lumagpas sa mga…pumasok sa teritoryo habang hinahabol hanggat nakuha ng kabilang side iyong paghabol at pag-accost doon sa hinahabol,” sinabi ni Padilla sa Palace press briefing.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

“Ganun din tayo ‘pag may hinahabol tayo, pwede tayong lumagpas sa international waters papunta sa territory nila in pursuit of that -- a threat,” dagdag niya.

Sa ilalim ng bagong kasunduan, magtutulungan ang tatlong bansa sa pagpapatrulya upang matiyak ang seguridad sa Sulu Sea, na nasa hilagang silangan ng isla ng Borneo at timog kanluran ng Pilipinas.

Nabuo ang bagong kasunduan sa gitna ng bakbakan ng mga puwersa ng pamahalaan at mga Maute Group na may ugnayan sa Islamic States (ISIS) sa Marawi City. Mahigit 200 militante na ang napatay simula nang sumiklab ang labanan nitong nakaraang buwan.

Sinabi ni Padilla na ang trilateral naval patrols ay hindi lamang makatutulong para masawata ang pandudukot at pamimirata sa karagatan kundi masusupil din ang galaw ng mga terorista sa common borders.

“Hopefully, ma-address natin ‘yung porous borders natin sa bagay na ‘yan. Pagkakaroon nang mas maayos na pag-patrulya. Unang-una, para ma-prevent ‘yung abduction at high sea,” aniya.

“And more than that is the movement of personnel bound from one country to another who are fugitives of their own laws and seeking haven in these parts of these different countries as well as providing assistance to the groups of jihadists in these areas,” dugtong niya.