Ni: Marivic Awitan
NAGPAKITA ng sigla at katatagan si Jayson Castro na tila isang import at nagposte ng mga kinakailangang numero na nagdala sa Talk ‘N Text sa krusyal na panalo laban sa Ginebra Kings para sandigan ang Katropa sa unang Finals sa nakalipas ang dalawang season.
Habang pilit na naglalaro ang import na si Joshua Smith dahil sa iniindang torn ligament sa kanyang kanang paa, ratsada ang 5-8 na si Castro sa nakubrang 38 puntos, 11 assist at pitong rebound nitong Sabado upang tuluyang gapiin ang Barangay Ginebra, 122-109, at tapusin ang kanilang semifinals series sa 3-1.
Nanalasa ng husto ang 30-anyos na FIBA Asia Cup Best Guard sa fourth period kung saan itinala niya ang 10 sa kabuuang 17 puntos ng Texters sa final stretch na naging dahilan ng panlulumo ng libu-libong fans ng Kings.
Naselyuhan din ng TNT ang pagpasok sa mid-season conference Finals kung saan makakaharap nila ang San Miguel Beer sa OPPO-PBa Commissioner’s Cup Finals simula bukas.
Dahil sa kanyang inspiring performance, nakuha ng tinaguriang “Blur’ ang pagkilala bilang PBA Press Corps Player of the Week para sa Hunyo 13-18 kung saan tinalo niya sina San Miguel veteran June Mar Fajardo, Alex Cabagnot at Chris Ross.