Ni Dennis Principe

TAGLAY ni Morris East ang pangangatawan at kulay ng balat na magbibigay sa kaniya noon ng karapatan na maging siga ng mga kabataan ng kaniyang panahon.

Ngunit, ano man ang tikas ni East ay salungat sa tunay na saloobin nito na lalong tumindi sapul nang mapanalunan niya ang World Boxing Association (WBA) junior welterweight crown via 11th round knockout kontra Japanese Akinobu Hiranaka noong September 1992 sa Tokyo, Japan.

BALITAnaw

ALAMIN: Mga dapat mong malaman tungkol kay Jose Rizal

morris copy

“Pinasok ko ang boxing dahil isa lang ang dahilan ko. Gusto ko lang makita ang tatay ko,” pahayag ni East sa isang exclusive interview ng Balita.

Isang taon matapos siyang ipanganak noong 1973, napalayo ang kaniyang ama na si John East, isang American Navyman na naka-destino sa Subic kung saan nakilala nito ang ina ni Morris na si Rosario.

Mula Olongapo, dinala si East at kapatid nito ng kanilang ina sa Masbate ngunit sa edad na 15 anyos nagdesisyon siyang magsarili sa Cebu.

“Nag-alaga ako ng mga bata. Nagtrabaho sa vulcanizing. Lahat sinubukan ko para kumita. Pero may nakita akong boxer sa isang gym, sabi ko subukan niya ako. Sabi niya, ‘hindi mo ako kaya, boxer ako,” pagbabalik-gunita ni East.

Sa Cebu tuluyang natuto si East ng pagboboksing hanggang sa maging professional sa tulong nina Davao-based manager Vic Ancheta at champion maker Hermie Rivera.

“Noon nakita ko, madali ang sumikat sa boxing. Naisip ko kung sisikat ako, magkakaroon ng chance na magpunta ng US at mahanap ang tatay ko,” ani East. “Nakapasok ako sa gym ni Carl Peñalosa (ama nina Gerry at Dodie Boy), nag-ensayo hanggang sa makita ako ni Lito Condes.”

Sa kaniyang ikatlong taon bilang pro, nakapagtala si East ng record na 15-2-1, kabilang ang siyam na knockout at agad na nabigyan ng tsansa na makalaban si Hiranaka.

“Desidido ako noon kahit na halos lahat ng sparring partners dito kinuha ng kalaban ko sa Japan,” ani East “Nasa isip ko, ito na yung chance na mahanap ko tatay ko.”

Sa isang dikdikan na laban, lamang si Hiranaka ng isang puntos papasok ng 11th round ngunit nakasilip si East ng butas para magpakawala ng isang left straight na nagpabagsak sa Japanese champion.

Nakatayo pa si Hiranaka, subalit dahil mala-spaghetti na ang tuhod nito ay itinigil na ng tuluyan ni Panamanian referee Carlos Berrocal ang laban at ideklara si East bilang bagong WBA champion na sa edad na 19 anyos ay naitala ang record bilang pinaka-batang Filipino world titleholder.

Agad na naikasa ni Ancheta ang isang title defense kay East buwan ng Disyembre ng parehong taon ngunit mas may importanteng plano na noon ang batang kampeon.

Sa tulong ni Rivera ay nahanap nila ang tahanan ng ama ni East sa Oakland, California kung saan ang nasabing reunion ay sinubaybayan ng international press katulad ng Washington Post at CNN.

“Hindi ko inakala na mas mahirap pa sa akin ang tatay ko. Pero hindi ko naman inisip noon na hihingi ako ng tulong sa kaniya kapag nakita ko,” pahayag ni East. “Yun lang talaga, makita ko siya masaya na ako.”

Sa katunayan, ipinangako ni East sa kaniyang ama na ibibigay nito ang lahat ng kaniyang kikitain sa boxing para muling maitaguyod ang kanilang buhay bilang mag-ama.

Matapos ang reunion ay nagpasya si East na itaya ang kaniyang korona kay Coggi noong January 1993 ngunit sa kasamaang palad ay yumukod ang Filipino-American sa 8th round.

Masakit ang pagkatalo ni East kay Coggi ngunit wala nang sasaklap pa sa pagkamatay ng ama nito ilang araw matapos ang laban sa Argentina.

“Pagbalik ko sa US nasa ospital na tatay ko. Two days lang nung dumating ako, namatay na siya. Sinagot ko lahat sa ospital pati pagpalibing sa kaniya,” ani East.

Matapos ang pagkatalo kay Coggi ay limang beses pang lumaban si East, apat dito ay kaniyang naipanalo na nagpuwesto naman sa kaniya bilang third-ranked contender sa world ratings.

Sa kabila ng kaniyang mataas na ratings, nagdesisyon pa rin si East na isampay ang kaniyang boxing gloves at itala ang overall record na 20-4, 12 KOs.

“Nung namatay ang tatay ko talagang nawala na yung determination ko sa boxing. Siguro nga kasi nakuha ko na yung purpose ko,” pahayag ni East.

Sa edad na 23, nagretiro si East kung saan sinimulan naman nito ang bagong pakikipagsapalaran bilang isang boxing trainer sa Estados Unidos.

Matapos ang ilang taon ay pinalad si East na maging isa sa mga trainers ng pamosong gym sa Las Vegas na pagmamay-ari ni Floyd Mayweather, Jr.

“May mga hawak akong boxers, karamihan yung mga gusto ni Floyd kaya ramdam ko talaga dito na welcome ako sa gym kahit na Pinoy tayo,” aniya.