Ni: Ric Valmonte
MAKALIPAS ang limang araw na pamamahinga ni Pangulong RodrigoDuterte, sumipot siya sa dalawang magkahiwalay na pangyayari sa Mindanao. Una, sa Butuan City, nang magsalita siya sa mga tropa ng 4th Infantry Division Advanced Command Post. Ikalawa, sa Cabadbran, Agusan Del Norte, nang dumalo siya sa pagdiriwang ng 50th foundation day ng probinsiya. Pagkatapos niyang magsalita sa Butuan City, nagpaubaya siya ng panayam sa media. Sinabi niya sa mga reporter na: “Kung ayaw nila ito, kung sabihin nilang walang batayan, nakahanda akong atasan ang military na umurong na.”
Kaugnay ito ng martial law na kanyang idineklara na dininig ng Korte Suprema bunsod ng mga petisyong idinulog dito na humihiling na ibasura ito. Ayon kasi sa kanya, nagsasagawa ang mga terorista at ang mga rebelde ng rebelyon na isa sa mga kondisyon para ipataw ang batas militar. Pero, aniya, kapag sinunog ng rebelyon ang Mindanao, mapipilitan siyang ideklarang muli ang martial law at sarili niyang gagawin ito para pangalagaan ang bansa. Aniya, wala siyang kokunsultahin at hindi niya alam kung kailan ito magwawakas. “Ang martial law na ito ay maaaring kagaya ng kay Marcos,” sabi niya. Wala raw siyang magagawa.
Wala sanang problema kung inulit na lang ng Pangulo ang nauna niyang sinabi na igagalang niya ang anumang kapasiyahan ng Korte Suprema. Dahil tayo ay gobyerno ng batas at hindi ng tao. Kaya, kahit sinong nasa gobyerno, pinakamataas man o pinakamababa, ay obligadong yumukod sa rule of law. At ang Korte Suprema ang tagapagtaguyod at tagapangalaga nito.
Pero, hindi katanggap-tanggap iyong sabihin ng Pangulo na kapag sinunog ng rebelyon ang Mindanao ay idedeklara niyang muli ang martial law na katulad na ng kay dating Pangulong Marcos at hindi niya masasabi kung kailan ito matatapos.
Masama ito sa panlasa dahil... sa pagbabanta na ito at pananakot.
Eh, ang Marcos martial law ay sinakop ang buong bansa. Ginamit ito para busalan ang media at sikilin ang karapatan ng mamamayan na magsalita at makaalam. Dahil nawalan ng armas ang taumbayan, malaya nang ginawa ng rehimeng Marcos ang kapalaluan. Dinakip ang mga kalabang pulitiko. Kinumpiska ang ari-arian ng mga tinuringan niyang oligarch. Maraming namatay at nangawalang mag-aaral, magsasaka, manggagawa at professional. Garapalan ang paglabag sa karapatang pantao.
Hindi ko alam kung paano ito tatanggapin ng Korte Suprema. Malaki itong problema sa kanya dahil kapag nagdesisyon ito na kumatig sa martial law ay hindi maiiwasang masabi na natakot ito sa banta ng Pangulo. Maliban na lamang kung gaya ng iba, isasaalang-alang ito na hyperbole.