Ni: Celo Lagmay

WALANG puwang ang pagpapatumpik-tumpik ng mga mambabatas sa pagpapatibay ng panukalang-batas hinggil sa maagang pagpapaboto sa mga senior citizens at sa mga may kapansanan o persons with disabilities (PWDs). At hindi rin dapat magpapaumat-umat si Pangulong Duterte sa paglagda sa naturang bill.

Ang kambal na pananaw na ito ay hindi nangangahulugan na pinangungunahan ko ang awtoridad sa pagtupad ng kanilang makabuluhang tungkulin sa kapakanan ng maituturing na mga dehado o marginalized sector ng sambayanan. Manapa, nais lamang nating iparamdam sa mga lingkod ng bayan ang tunay na diwa ng pagmamalasakit.

Itinatadhana ng nasabing panukalang-batas na ang PWDs at ang nakatatandang mga mamamayan ay pahihintulutang makaboto nang maaga o pitong araw bago idaos ang national at local elections. Ibig sabihin, hindi sila masasabay sa buhos ng milyun-milyong botante na nag-uunahan sa paggamit ng kanilang karapatang pumili ng matapat at mararangal na pinuno.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Hindi dapat maging tampulan ng pangingimbuo o pagkainggit ang gayong mga kaluwagan para sa PWDs at sa katulad naming mga senior citizen na masyado nang dumadanas ng katakut-takot na sakripisyo tuwing eleksiyon. Hindi gayon kaginhawa ang magmanik-manaog sa mga presinto; ang tumunganga habang naghihintay ng pagkakataong makaboto. Halos paika-ika na lamang ang karamihan sa amin, lalo na ang mga ayaw iwanan ng rayuma at arthritis at iba pang nakalulumpong karamdaman.

Lalong matinding pagdurusa ang dinadanas ng ating mga kapatid na PWDs. Isipin na lamang na kailangan ding alalayan ang mga bulag, pilay at iba pa upang matiyak ang kanilang kaligtasan sa mga barumbadong tsuper at sa mga tampalasan sa lansangan. Tulad ng karamihan, marubdob din ang kanilang hangaring gamitin ang tinatawag na right of suffrage.

Naniniwala ako na higit na maingat ang nabanggit na mga dehadong grupo ng sambayanan sa pagpulso sa karapat-dapat na lingkod ng bayan. Lagi nilang nadadama ang mahigpit na pangangailangan sa matitino at makataong lider. Ang kanilang pananaw ay laging nakaangkla sa nadarama nilang mga problema na nangangailangan ng angkop na aksiyon na may kaakibat na pagmamalasakit; hindi makasarili at walang kaakibat na pagmamalabis. Ang mahalaga sa kanila ay huwarang paglilingkod sa kapakinabangan ng lahat.

Anuman ang gumitaw na mga argumento tungkol sa isinusulong na bill, naniniwala ako na ang anumang pagpapasiya ng mga mambabatas at ng Pangulo ay nakalundo sa tunay na diwa ng pagmamalasakit sa PWDs at sa senior citizens.