Nina MIKE U. CRISMUNDO, AARON B. RECUENCO at DANNY J. ESTACIO
CAMP BANCASI, Butuan City – Tatlong miyembro ng New People’s Army (NPA) ang napatay habang hindi naman tiyak na dami ng iba pang rebelde ang nasugatan sa pakikipagbakbakan sa tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) malapit sa hangganan ng Surigao del Sur at Davao Oriental, ayon sa military report kahapon.
Sa pahayag ng militar, nasamsam din ng mga tauhan ng 104th Division Recon Company (104th DRC) at isang platoon ng 67th Infantry Battalion (67th IB) sa lugar ng engkuwentro ang iba’t ibang armas, kabilang ang dalawang M16 Armalite rifle, isang M14 rifle, isang M203 grenade launcher, iba’t ibang bala at mga subersibong dokumento na mapakikinabangan sa intelligence.
Ayon kay Capt. Andrew M. Linao, tagapagsalita ng 701st Infantry (Kagitingan) Brigade ng Philippine Army, tinutugis pa ng militar hanggang kahapon ang mga tumakas na rebelde, na sinasabing mula sa guerilla-Front Committee 25 at Section Committee 18 ng CPP-NPA Southern Mindanao Regional Committee.
Sinabi ni Linao na nangyari ang sagupaan bandang 1:30 ng umaga nitong Sabado sa Sitio 35, Barangay Taytayan sa Cateel, Davao Oriental.
Wala namang napaulat na nasaktan o nasawi sa panig ng militar, ayon kay Linao.
Linggo ng gabi naman nang silaban ng mga hinihinalang NPA ang mga generator set ng isang telecom cellsite sa Barangay Tuhian sa Catanauan, Quezon bago pinasabugan ng bomba ang mga rerespondeng militar, na ikinasugat ng dalawang sundalo.
Ayon sa report sa Camp Crame at ng militar, pasado 8:00 ng gabi nang matanggap nila ang ulat tungkol sa panununog ng nasa 10 armado sa dalawang generator set.
Reresponde sa insidente ang mga sundalo ng 85th Infantry Battalion ngunit nasabugan sila ng improvised explosive device (IED) na itinanim ng mga rebelde sa Bgy. Ajos sa Catanauan bandang 10:00 ng gabi.
Nasugatan sa mga shrapnel sina Corporals Dennis Moran at Humphry Faller, at maayos na ngayon ang lagay.
Nangyari ang pag-atake ilang araw makaraang looban ng NPA ang himpilan ng pulisya sa Iloilo City at tangayin ang nasa 13 baril sa presinto, matapos na utusan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang NPA na itigil na ang mga opensiba laban sa militar at pulisya dahil nakatakdang pag-usapan ng gobyerno at mga komunista ang tungkol sa tigil-putukan.