ni Beth Camia

Naaresto kahapon sa Iloilo port ang tatlong pinaniniwalaang miyembro ng Maute, kasama ang babaeng kapatid ng Maute Brothers.

Ayon kay Capt. Leopoldo Panopio, commander ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Northern Mindanao, natiyempuhan nila ang kapatid na babae nina Omar at Abdullah Maute habang sakay sa MV St. Therese of the Child Jesus ng 2GO malapit sa pantalan ng Iloilo sa Cagayan de Oro City port, nitong Sabado ng gabi.

Hindi pa pinapangalanan ang babaeng Maute at ang dalawang kasama nito—ang isa ay putol ang binti—habang sinusulat ng balitang ito.

National

Mula magnitude 5.9: Lindol sa Southern Leyte, ibinaba sa magnitude 5.8

“Pagpasok sa pier ng Northern Mindanao sa CDO, medyo hindi nakuha ang pagkakakilanlan dahil hindi kawangis ng larawan na nasa listahan ng wanted na Maute Group members,” sabi ni Panopio.

Pero matapos makumpirma na ito nga ang kapatid ng Maute Brothers ay kaagad na nagtungo sa pantalan sa Iloilo ang mga tauhan ng PCG para bantayan ang 2GO vessel.

“Bago makadaong sa pantalan ay sinalubong na namin para makuha,” ani Panopio.

Ayon kay Panopio, kinumpirma ng babae na siya ang pinaghahanap na kapatid ng Maute Brothers, at gumamit siya ng ibang pangalan upang makasakay sa barko sa Cagayan de Oro City port.

Una nang naaresto ng mga awtoridad ang ama at ina ng Maute Brothers, at nitong Huwebes ay nadakip din ang bunsong kapatid ng mga terorista na si Mohammad Noaim Maute, alyas Abu Jadid, sa Cagayan de Oro.