ISINILANG si Jose Rizal 156 na taon na ang nakalipas, noong Hunyo 19, 1861, sa Calamba, Laguna. Lumaki siya at nabuhay sa ideyalismo ng sambayanang Pilipino, sumulat ng dalawang nobela — ang “Noli Me Tangere” at “El Filibusterismo” — na naging intelektuwal na paraan ng pagpapahayag sa paghimok ng isang nagkakaisa at matatag na bansa ng mga Pilipino na kanyang binuhay makalipas ang ilang siglo ng pananakop ng Espanya.
Ang pagbaril sa kanya sa Bagumbayan sa Maynila noong Disyembre 30, 1896, ay isang ningas na nagpaliyab sa alab ng rebolusyon na inilunsad ni Andres Bonifacio at ng mga Katipunero noong Agosto ng taong iyon. Taong 1898 nang ideklara ni Pangulong Emilio Aguinaldo ng Unang Republika ng Pilipinas ang Rizal Day noong Disyembre 30 bilang araw ng pagluluksa hindi lamang para kay Rizal kundi para sa lahat ng nabiktima ng pananakop ng mga Espanyol.
Maiksi lang ang pamumuno ng nasabing republika. Kumilos ang mga Amerikano, na nagtagumpay laban sa mga Espanyol noong Spanish-American War, para ito naman ang kumontrol sa Pilipinas. Ngunit kinilala maging ng mga Amerikano ang kabayanihan ni Rizal. Taong 1901 nang ideklara ni Governor General William Howard Taft si Rizal bilang pambansang bayani at nang sumunod na taon, iprinoklama naman ng Philippine Commission ang Disyembre 30 bilang isang public holiday.
Sa nakalipas na mga taon, nagkaroon ng mga pagpupursige upang bigyang-parangal si Rizal sa kanyang kaarawan, kaysa sa petsa kung kailan siya binaril sa Bagumbayan. Isinulong ng National Historical Commission, sa pamumuno ni Ambeth Ocampo, ang paglilipat ng Rizal Day sa Hunyo 19, sinabing sa pamamagitan nito ay mahihimok ang mga estudyante sa bansa na aktibong makibahagi sa selebrasyon ng kanyang buhay, dahil kabubukas lamang ng mga klase. Pinagtibay ng Kamara de Representantes ang panukalang ito noong 2008 ngunit tinapos na ng Kongreso ang sesyon nito bago pa maipasa ng Senado ang kaparehong panukala.
Sa kasalukuyan, ipagdiriwang ang araw na ito bilang special holiday sa lalawigan ni Rizal, ang Laguna, at sa bayang kanyang sinilangan, ang Calamba. Nagpalabas si Pangulong Duterte ng Proclamation 222 na sumasaklaw sa Laguna, at Proclamation 223 para sa siyudad ng Calamba.
Minsan pa, mas pinipili ng ilan na ipagdiwang ang Rizal Day tuwing Hunyo 19, dahil ang kanyang buhay, higit pa sa kanyang pagkamatay, ang pinakaakmang simbolo ng ideyalismo ng bansa na patuloy na nagsisilbing inspirasyon sa atin hanggang ngayon. Nakikiisa tayo sa paggunita kay Rizal ngayong araw, bilang isang taong may pambihirang katalinuhan at hindi mapapantayang pagmamahal sa bayan na nagsilbing tinig ng ideyalismo at pagiging masigasig ng kanyang kapwa Pilipino at ang pananaw sa bansa ay nananatiling totoo hanggang ngayon.