MAGING laging handa.
Ito ang malinaw na mensahe ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa publiko para sa taunang selebrasyon ng Typhoon and Flood Awareness Week ngayong linggo.
“Science-based information for safer nation against typhoon and flood” ang tema ng Typhoon and Flood Awareness Week, na ipagdiriwang sa Hunyo 19-24.
“The rainy season commenced already so all of us must prepare for tropical cyclones, flooding and even landslides,” sabi ni Dr. Esperanza Cayanan Friday, weather services chief ng PAGASA.
Hinikayat niya ang paghahanda upang tiyaking mapoprotektahan ang buhay, kaligtasan at mga ari-arian sa panahon ng pananalasa ng bagyo.
Posibleng manalasa ang mga bagyo sa Pilipinas sa mga susunod na araw kahit pa walang sumalanta sa bansa simula noong Mayo ngayong taon, ayon kay Cayanan.
Para sa 2017, tinaya ng PAGASA na magkakaroon ng isa hanggang dalawang tropical cyclone sa Philippine area of responsibility ngayong Hunyo, dalawa hanggang tatlo sa Hulyo, dalawa hanggang apat sa bawat buwan ng Agosto at Setyembre, isa hanggang tatlo sa Oktubre at isa hanggang dalawa sa Nobyembre.
“PAGASA’s thunderstorm and rainfall warning systems are institutionalized already—the challenge is how the public reacts to warnings given,” sinabi ni PAGASA Office of the Administrator OIC Catalino Davis, iginiit ang pangangailangang paghandaan ang dami ng buhos ng ulan, pagbabaha at iba pang kaganapang kaugnay nito.
Tiniyak din ni Davis ang tuluy-tuloy na pagsisikap ng PAGASA upang mapagbuti pa ang mga produkto at serbisyo nito upang epektibong matulungan ng ahensiya ang publiko.
Sa seremonya ng paglulunsad sa Typhoon and Flood Awareness Week, tinukoy ng PAGASA ang ilang inisyatibo na layuning ipatupad kaagad ng ahensiya upang maisakatuparan ang nasabing hangarin.
Kabilang sa mga inisyatibong ito ang pagpapalabas ng taya ng panahon na nagbibigay-diin sa inaasahang epekto ng mga bagyo sa mga lugar na inaasahan nang maaapektuhan ng sama ng panahon.
Puntirya rin ng PAGASA na magkabit ng mga doppler radar sa mas maraming baybayin sa bansa upang mapag-ibayo ang wastong pagtaya ng ahensiya sa panahon, partikular sa mga paparating na kalamidad.
Plano rin ng PAGASA na palawakin ang pagbibigay nito ng babala laban sa baha at pagbutihin ang forecasting network system. - PNA