Ni: Dave M. Veridiano, E.E.
KINALABOG ang dibdib ko ng balitang sa Camp Bagong Diwa, sa Taguig City ikukulong ang mga pangunahing miyembro umano ng Maute na naaresto at maaresto pa, para raw masigurong walang mangyayaring masama sa mga ito habang hinihintay ang resulta ng kasong isinampa at mga isasampa laban sa mga ito.
Ang pangunahing dahilan ng desisyong ito ay upang maiwasan umano na mai-rescue ng iba pang aktibong miyembro ng bandidong grupo na hanggang sa ngayon ay nakalalaya at may puwersa pang pinanghahawakan upang makipaglaban sa mga pulis at militar na nasa Mindanao.
Kaya ako biglang kinabahan sa balitang ito ay dahil sa bumalik sa aking alaala ‘yung nangyari sa Camp Bagong Diwa noong Marso 14, 2005 sa loob ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) prison compound, na kinapipiitan ng mga nalambat na “malalaking isda” mula sa bandidong grupo ng Abu Sayyaf na noo’y namamayagpag sa paghahasik ng lagim sa Mindanao at ilang piling lugar dito sa Kamaynilaan.
Nagkaroon noon ng “hostage incident” sa loob ng gusaling kinakukulungan ng mga terorista, nakabaril at nakapatay ang mga sinasabing ASG ng mga jail guard bago nagkaroon ng bakbakang naging sanhi ng pagkamatay ng 25 detainee, kabilang na rito ang mga sinasabing leader ng ASG na sina Alhamser Limbong, AKA Kosovo; Nadjmi Sabdulla, AKA Global; at Galib Andang, AKA Robot.
Gaya ng paniniwala ng awtoridad natin ngayon, ang mga pinuno noon ay naniniwalang mas “mapaaamo at mapatitino” ang mga arestadong ASG ng mga kulungan dito sa Metro Manila, kaya dito sila sinampahan ng kaso ng Department of Justice (DoJ) at ng Philippine National Police (PNP) para dito na rin sila makulong – sa malawak na piitan sa Taguig na pinapatakbo ng BJMP.
Nagkaroon ng “malalim” na imbestigasyon ang pangyayaring iyon at ang lumitaw pa tuloy na may kasalanan sa pagkamatay at pagkakadamay ng iba pang detainee sa naturang operasyon ay ang mga miyembro ng PNP-Special Action Force (SAF).
Para naman sa akin ay nagsagawa lamang ng isang matagumpay na operasyon ang SAF para mapasok at ma-neutralize ang mga armadong hostage taker sa loob ng kulungan.
Kaya ko ito nasabi ay dahil night newsdesk editor ako noon, ngunit sa halip na umuwi pagkatapos ng aking duty sa desk ay sumugod ako sa Bicutan nang pumutok ang hostage-taking sa Camp Bagong Diwa. Nag-iisa lang ako sa mga taga-media na nakalusot sa napakahigpit na “security cordon” sa palibot ng compound ng BJMP kaya nakuhanan ko ng video ang lahat ng pangyayari sa loob na eksklusibong napanood sa GMA7. Nasaksihan ko ang galing ng ating mga SAF sa ganitong operasyon kaya ‘di ko maaatim na pumasok sa aking isipan na... ang pagpapakasakit nila ngayon sa Marawi City ay isisisi pa sa kanila sa huli, gaya ng nangyari sa Bicutan, 12 taon na ang nakalilipas.
Ang mga bandidong ito na noo’y nadakip sa salang pangingidnap at pamumugot ay natutong magreklamo sa human rights group na hindi raw nirerespeto ang kanilang karapatang pantao at hinihingi nila sa pamahalaan na pabilisin ang paglilitis sa kanilang mga kaso – kaya nang maramdaman nilang parang hindi pinapakinggan ang kanilang reklamo ay gumawa sila ng senaryo na tumawag ng pansin sa buong mundo.
Ginugulo nila at pilit na ibinabagsak ang demokrasyang tinatamasa nating lahat sa ngayon, na siya rin naman kanilang tatakbuhan at pagkakanlungan kapag naaresto na sila at nagdurusa sa kulungan dahil sa kanilang mga kasalanan.
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]