ni Anna Liza Villas-Alavaren
Gagamit ng mga closed-circuit television (CCTV) camera ang Metropolitan Manila Development Authority sa paghuli sa mga lalabag sa nirebisang Anti-Distracted Driving Act (ADDA) na muling ipatutupad sa susunod na buwan.
Ayon kay Crisanto Saruca, hepe ng MMDA Council Secretariat, ang Land Transportation Office (LTO) ang mamumuno sa pagpapatupad ng batas habang ang MMDA ang kakatawan dito.
“The MMDA’s tool in enforcing the law is our cameras installed on major thoroughfares and men on the ground,” pahayag ni Saruca.
Sa pamamagitan ng mga camera na mino-monitor sa Metrobase Command Center, matutukoy ang mga motoristang gagamit ng mobiles devices at gadgets.
Ipinagbabawal ng ADDA ang paghawak at paggamit ng mobile communications at electronic entertainment at computing device habang nagmamaneho at pansamantalang nakahinto sa traffic light o sa intersection.