Ni: Ric Valmonte
“SI Pangulong Duterte ay hindi si Pangulong Marcos,” sabi ni Solicitor General Calida kay Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno sa pagpapatuloy ng oral argument kaugnay ng mga petisyong nagpapabasura sa deklarasyon ng martial law sa Mindanao. Iniutos daw ni Pangulong Digong na ang mga karapatan ng mamamayan sa ilalim ng Saligang Batas ay igalang at proteksiyunan. Kasi, pagdukot at pagkawala, pagpapahirap, pagpatay at iba pang uri ng paglabag sa karapatang pantao ang garapalang naganap matapos iproklama ni dating Pangulong Marcos ang martial law sa buong bansa.
Pananalig na lang ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang mga inutusan kung natutupad ang kanyang ipinag-uutos sa pagpapairal ng martial law at pagsuspinde ng writ of habeas corpus. Inihabilin ito ng Pangulo sa kanyang mga hinirang na tagapagtaguyod nito sa larangan. Ipinagkatiwala niya sa kamay nina DND Sec. Lorenzana, bilang administrator; at AFP Chief of Staff Gen. Año, bilang implementor.
Nang tanungin ang Pangulo tungkol sa pagsama ng mga sundalong Kano sa bakbakan sa Marawi, hindi niya raw ito alam dahil ipinaubaya na niya sa kanyang mga hinirang ang pagpapairal ng martial law. Bahala na raw sila kung anong hakbang ang kanilang gagawin.
Nawala pa siya ngayon sa eksena. May ilang araw siyang nawala sa paningin ng publiko. Namahinga siya at nagpalakas sa tindi ng pagod na dinanas sa pag-ikot sa iba’t ibang lugar nang magsimula ang bakbakan sa Marawi, ayon sa Malacañang.
Mukha yatang una siyang bibigay sa inumpisahan niyang pakikipaglaban sa grupo ng Maute.
Nang tanungin muli ni CJ Sereno si Calida kung bakit kinakailangan pang ideklara ang martial law kung matatawag naman ng Pangulo ang militar para pigilin... ang rebelyon. Kaya ba gumagamit na ang militar ng aerial bombing?
Ang maliwanag na nahahayag sa nangyayaring bakbakan ay ang walang tigil na aerial bombing na ginagawa ng militar sa mga lugar na sa kanilang paniniwala ay pinamumugaran ng mga kalaban. Kaya pinababawi na ang martial law ay dahil isa sa mabigat na dahilan ang aerial bombing. Ito ang nagbunsod sa mga taga-Marawi na lisanin ang kanilang mga tahanan at magtungo sa ligtas na lugar. Nagsisiksikan na sila sa mga evacuation center na parang mga manok na inilagay sa hawla.
Marami na sa kanila ang nagkakasakit. May ilan na sa kanila ang nasawi. Ang reklamo ng iba, tumigil man ang gulo, wala na silang uuwiang tahanan. Paano kasi, giniba na ang mga ito at ang malalaking gusali. Ito ang martial law ni Pangulong Digong.