Ni: Bert de Guzman
KUNG buhay si Dr. Jose Rizal ngayon, siya ay 156 na taon na. Isinilang ang pambansang bayani noong Hunyo 19, 1861. Siya ang nagsabing “Ang Kabataan ang Pag-asa ng Bayan.” Katulad ni Rizal, mahal din ng ating pangulo, Rodrigo Roa Duterte, ang kabataan kaya galit na galit siya sa mga drug pusher at user na sumisira raw sa utak at kinabukasan ng mga ito.
Sana naman ay suklian ng kabataang Pilipino ang sakripisyo ng ating bayani at ang pagmamalasakit ni PRRD sa kanila.
Sa halip na magumon sa droga o kaya ay malulong sa alak at “maloko” sa kate-text gamit ang mga makabagong cell phone at gadgets, kumilos sila at mag-isip para sa kabutihan, kapakanan at kagalingan ng Inang Bayan. Huwag hayaan na sila ay maging “pabigat” at sa halip ay maging “pagaan” sa mga problema ng Pilipinas na ginigiyagis ngayon ng teroristang Maute Group at Abu Sayyaf Group na inspirado ng walang habag at konsensiyang IS (Islamic State) na nais magtatag ng Caliphate sa Mindanao.
Matapos mabigo ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na ma-liberate ang Marawi City sa kamay ng tampalasang Maute Group (MG) noong Independence Day, hindi na magbibigay ng deadline ang military sa operasyon nito upang malupig ang MG na hanggang ngayon ay buong bagsik pa ring nakikipaghamok sa mga tropa ng gobyerno.
Inamin ni AFP spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla, Jr. na ang clearing o paglilinis sa lungsod ng Marawi sa Islamic State (IS)-linked Maute terrorists, ay medyo magtatagal pa dahil iniiwasan nilang ma-collateral damage ang mga sibilyan na ginagamit na panangga (human shield) ng walang budhing mga terorista.
Ayon kay Padilla, hindi sila magtatakda ng deadlines. Sisiguruhin ng AFP na malinis ang Marawi City sa mga demonyong MG na kasama ang ASG at posibleng ang mga tauhan ng Bangsamoro Islamic Liberation Front (BIFF) sa paghahasik ng lagim, takot at kamatayan sa dati ay tahimik na pamumuhay ng mga Maranao.
Noong Huwebes, may ganitong istorya ang isang English broadsheet: “Sleep and rest: Rody takes time off until Sunday”:
Sana ay okey na si PRRD ngayon matapos na hindi makadalo sa flag-raising ceremony sa Luneta kaugnay ng ika-119 na anibersaryo ng Araw ng Kasarinlan ng Pilipinas. Sa halip, si Vice Pres. Leni Robrero ang kumatawan sa Pangulo matapos sabihin ng Malacañang na hindi makadadalo si Mano Digong dahil napagod siya sa pag-welcome sa mga labi ng napatay na Marines at nakiramay sa kanilang mga pamilya. Nanatili siya sa Marine base sa Fort Bonifacio hanggang hatinggabi.
Siya ay 72-anyos na. Bago lumipad pa-Maynila, dinalaw niya ang mga sugatang kawal sa Camp Evangelista, Cagayan de Oro City. Pinayuhan siya na magpahinga at matulog. Hindi rin siya nakadalo sa okasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong Miyerkules. Sa halip, si Justice Sec. Vitaliano Aguirre II ang kumatawan sa kanya.
“At 72, the President has been working non-stop for the past months and especially the past weeks, he also needs to slow down a bit,” pahayag ng... isang opisyal sa Malacañang. Hindi raw dapat mag-alala sa kalusugan ng Pangulo. Sabi ng isang isang cabinet member, si Pres. Rody “is as strong as the bull.”
Sa oral arguments sa Supreme Court tungkol sa deklarasyon ng martial law sa Mindanao, iginiit ni Solicitor General Jose Calida na si PDu30 ay hindi si ex-Pres. Ferdinand Marcos na nagdeklara ng martial law noong 1972. Dahil dito, ang martial law ni PRRD ay iba sa Marcos martial law. Iniutos daw ni Pres. Rody “That the constitutional rights of the Filipino people shall be respected and protected at all times.”
May bagong advertisement ang Dept of Tourism (DoT) gagastusan daw ng P650 milyon. Gayunman, marami ang nakapuna na ito ay ginaya o kinopya lang ng DoT ni Sec. Wanda Tulfo-Teo sa tourism ads ng South Africa na ginawa noong 2014.
Well, talaga bang mangongopya ang Pilipinas?