Ni Joseph Jubelag
KIDAPAWAN CITY, North Cotabato – Pinili ng mga bilanggo sa district jail sa Kidapawan City, North Cotabato na huwag kumain ng isa sa kanilang mga rasyon upang makalikom ng pondo na ipambibili ng relief goods para sa evacuees mula sa Marawi City, Lanao del Sur.
Ayon kay Supt. Simeon Dolojo, jail warden, mahigit 1,400 bilanggo sa Kidapawan district jail ang nagpasyang huwag kumain ng isa niyang rasyon upang malikom ang sapat na halaga na pambili ng relief goods para sa libu-libong lumikas mula sa kaguluhan at patuloy na bakbakan ng tropa ng militar at ng mga terorista ng Maute, na halos isang buwan na ngayon.
Sinabi ni Dolojo na nagawang makalikom ang mga bilanggo ng P28,000 mula P20 kada pagkaing alokasyon nila na ginamit sa pagbili ng bigas, instant noodles, at de-latang sardinas na ni-repack bilang relief goods.
Aniya, nag-volunteer ang mga bilanggo na magkaloob ng tulong sa mga residente ng Marawi sa pagsasakripisyo ng isang meal allocation nila.
Ide-deliver ang nasabing relief goods sa regional office ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Koronadal City, na magpapadala nito sa Marawi.