MAGALING umiwas sa kontrobersiya si Gabby Concepcion at nakangiting sinasagot kapag inuusisa tungkol sa hot issues.
Tinanong ang aktor kung bakit mas nauna ang reunion nila ni Janice de Belen sa television kesa reunion movie nila ni Sharon Cuneta?“Saka na natin pag-usapan ang pelikula. May pinu-promote tayo ngayon,” sagot ni Gabby.
Matatandaang isang taon din yatang plinano at under negotiation ang reunion movie nina Sharon at Gabby sa Star Cinema. Pero hindi natuloy dahil sa maraming bagay, kabilang na ang schedule ni Gabby.
On the other hand, mabilis ang pag-uusap sa special episode ng Magpakailanman na tatampukan nina Gabby at Janice at mapapanood na sa June 24. Focus muna si Gabby sa pagpo-promote ng episode na pinamagatang May Forever: The Ariel and Mila Story mula sa direction ni Gina Alajar.
First TV team-up nina Gabby at Janice ang episode at nagugulat ang dalawa na excited ang maraming fans. Kami nga, ibinalita pa lang namin via Twitter na magtatambal ang dalawa, ang bilis ng reaction at lahat nagsasabing excited silang muling mapanood ang ex-real couple.
“Excited ako na after 23 years, finally it’s happening. We are working again together. Bitin lang dahil isang gabi lang ito mapapanood at two taping days lang kami. But I can’t complain, I am thankful. Sana nga sa susunod teleserye naman,” sabi ni Gabby.
“I went to GMA at excited silang lahat. Parang big deal ito sa kanila. Medyo nakaka-pressure dahil ang feeling ko, ang lakas ng expectation ng tao,” sabi naman ni Janice.
Anyway, kung may teleserye mang naiisip ang GMA-7 para kina Gabby at Janice, pagkatapos na siguro ng Ika-6 Na Utos . Matagal pa ang airing ng number one daytime program ng GMA-7 dahil patuloy na mataas ang ratings at talagang sinusubaybayan.
Narinig namin kung hanggang kailan ang airing ng Ika-6 Na Utos, pero bawal pang isulat dahil baka ma-extend na naman. Kasama ni Gabby dito sina Sunshine Dizon at Ryza Cenon at kasama rin sina Mike Tan, Rich Asuncion, Daria Ramirez, Mel Martinez, Carmen Soriano, Odette Khan at papasok bilang guest si Angelika dela Cruz, mula sa direksiyon ni Laurice Guillen.