Ni: Clemen Bautista

SA nakalipas na mahigit isa at kalahating siglo, masasabing wala pang Pilipino, patay man o buhay, na ang diwa at mga kaisipan ay nagpapatuloy at nananatiling buhay. Maging ang kabayanihan ay laging sinasariwa sapagkat may mga gintong aral na mapupulot at magandang halimbawa.

Ang tinutukoy na Pilipino ay ang ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal na sa tuwing sasapit ang ika-19 ng Hunyo ay ginugunita at ipinagdiriwang ang kanyang kaarawan. Ang sentro ng paggunita at pagdiriwang ay sa Calamba, Laguna na sinilangan ng ating pambansang bayani. Sa Taytay, Rizal, ang pagdiriwang ng kaarawan ni Rizal ay pangungunahan ni Taytay Mayor Juric Gacula at ng kanyang mga kasamang Knights of Rizal. Tampok na panauhing tagapagsalita si Angono Mayor Gerry Calderon.

Naiiba si Rizal sa iba nating mga bayani sapagkat marami siyang katangian. Siya ay isang doktor, manunulat, makata, siyentipiko, pintor, philosopher, mananaliksik at mananalaysay. Sa kabuuan, si Rizal ay isang henyo. May mga nagsabi rin na sa hanay ng ating mga bayani, si Rizal ay isang dakilang mangingibig. Umabot sa siyam na babae ang pinag-ukulan niya ng pagmamahal. Karamihan sa mga babae ay nakilala ng ating pambansang bayani habang siya ay nasa ibang bansa. Nasabi tuloy ng iba na siya ay isang “international playboy”. Ngunit sa kabila nito, ang higit niyang minahal ay ang ating Inang Bayan na ang naging wakas ay ang pagbaril sa kanya sa Bagumbayan (Rizal Park na ngayon).

Night Owl

Bakit Dapat Tumanggi ang Pilipinas sa Online na Pagboto

Sa talinong kaloob ng Dakilang Maykapal sa ating pambansang bayani at sa pamamagitan ng kanyang mga sinulat, nabunyag ang nangyayaring kasamaan sa ating bansa at ang masamang pamamahala ng mga Kastila. Nakapaloob ito sa dalawa niyang nobela; Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Dito inilantad ni Rizal ang paghaharing-kolonyal sa Pilipinas at naiangat ang mga Pilipino sa mata ng daigdig na karapat-dapat sa paggalang ng kapwa tao.

Sa Noli at Fili ay mahirap nang malimot ang mga kaisipan ng ating pambansang bayani na kanyang ipinahayag sa pamamagitan ng kanyang mga tauhan sa dalawang nobela. Mababanggit na halimbawa ang mga sumusunod: Pag-ibig sa Bayan—“Iniibig ko ang aking bayan, ang Pilipinas sapagkat utang ko sa kanya ang aking buhay at kaligayahan, at sapagkat bawat tao’y may katungkulang umibig sa kanyang bayan,”—(Ibarra). Paaralan at Lipunan: “Ang paaralan ay siyang...

aklat na kinasusulatan ng hinaharap ng bayan. Ipakita ninyo ang paaralan ng isang bayan at sasabihin namin sa inyo kung ano ang bayang iyan,” –(Elias kay Ibarra).

Ang Katarungan— “Kung ang katarungan ay marunong magparusa, marunong din namang magbigay ng gantimpala at ‘di palaging bulag,” Pag-ibig ni Maria Clara— “Ako’y minsang lamang umibig at kung walang pag-ibig ay ‘di ako magiging kaninuman,”

Bukang-liwayway ng Kalayaan—“Mamamatay akong ‘di nakita ang maningning na pagbubukang-liwayway sa aking Inang Bayan. Kayong makakakita, batiin ninyo siya – at huwag kalimutan ang nangabuwal sa dilim ng gabi.”--(Elias) at marami pang iba.

Hindi isang rebolusyonaryo ang ating pambansang bayani kundi isang repormista o tagapagbago. Kailanman ay hindi siya nanguna sa Himagsikan. Bilang repormista, ang naging papel ni Rizal ay isang lider-intelektuwal.

Malaki rin ang paniniwala ni Rizal sa edukasyon. At dahil dito, malaki ang kanyang hangarin na ang mga Pilipino ay maturuan nang wasto at mabuti. Nais niyang magising ang damdaming makabayan ng bawat isa sapagkat naniniwala siya na walang mang-aalipin kung walang magpapaalipin.