Ni: Reggee Bonoan
NAPAPAILING ang talent managers na nakatsikahan namin tungkol sa dalawang artistang agad nagpakain sa sistema at bumalik sa dati ang ugali nang sumikat.
Alam pala nila ang ugali ng dalawang artistang sikat kaya pati sila ay sumasakit din ang ulo, pero wala silang magawa dahil nga nakakontrata sa kanila at kailangan nilang pagtiyagaan hanggang sa mag-expire. Kapag hindi nagbago ay hindi na nila ito ire-renew.
Bilang talent managers ng dalawang artista ay nahihiya raw sila sa advertisers at iba pang kumukuha ng serbisyo ng artists nila dahil nag-a-attitude kapag nasa set na.
Naalala tuloy namin ang kuwento ng top executive ng isang TV network na sumuko na sa dalawang artista ang isa sa magagaling na producer ng mga show dahil sa attitude at may sarili raw silang mundo at oras na hindi sumusunod sa production staff.
Kapag wala raw sa mood mag-shoot o mag-taping ay hindi raw mapilit saka mangangatwirang pagod na o cut-off time na nila.
Naloloka ang production kaya isinusumpa nila na never na silang makikipagtrabaho sa dalawang artista.
Nakakaloka naman ang dalawang artistang ito, nakatikim lang ng konting kasikatan, lumaki na kaagad ang ulo. Dati na silang inireklamo noon dahil sa hindi magandang attitude at nangakong magbabago, pero hindi naman pala tutuparin.
Ang tanong, paano mababayaran ng dalawang artistang ito ang kanilang bills at loan sa pagpapatayo ng kani-kaniyang bahay na sobrang mahal ngayong wala nang gustong makipagtrabaho sa kanila?
Sa ngayon, paminsan-minsan na lang sila napapanood sa TV at matagal na ring hindi nasusundan.