Ni JUN FABON
Naghihimas ngayon ng rehas ang isang barangay kagawad makaraang ireklamo ng pangingikil ng kanyang kabaro sa Quezon City, kahapon ng umaga.
Kinilala ang suspek na si Edgardo Pulongbarit ng Barangay Paraiso, Quezon City. Habang ang biktima ay si Jessie Segundo ng Bgy. Obrero.
Sa report ni Kamuning Police-Station 10 chief Police Supt. Pedro Sanchez, bandang 7:00 ng umaga ikinasa ng Quezon City Police District-PS10 operatives ang entrapment operation sa Bgy. Paraiso.
Una rito, nagpakilala umano si Pulongbarit bilang Games and Amusement Board (GAB) official at nakipagkasundo sa biktima na magkita sa Bgy. Obrero.
Aktong kukunin ni Pulongbarit ang sobre, na naglalaman ng P6,500 cash, mula kay Segunda nang dambahin ng awtoridad ang suspek at pinosasan bago dinala sa himpilan ng pulisya.
Lumitaw sa imbestigasyon na ang nabanggit na pera ay lagay umano sa GAB upang hindi ipatigil ang patupada na gagamitin sa fiesta sa kanilang barangay.
Nakumpiska rin sa suspek ang isang caliber .45 baril.
Nahaharap si Pulongbarit sa kasong robbery extortion at illegal possession of firearms and ammunitions.