May ulat ni Bella Gamotea

YOKOSUKA (AP/Reuters) — Natagpuan ng navy divers ang mga bangkay ng pitong nawawalang marino sa loob ng binahang compartment ng guided missile destroyer na USS Fitzgerald na bumangga sa isang container ship sa karagatan ng Japan, sinabi ng United States Navy kahapon.

Napasok ng searchers ang lugar na nasira sa banggaan at dinala ang mga bangkay sa Naval Hospital Yokosuka kung saan kikilalanin ang mga ito, pahayag ng Navy.

“As search and rescue crews gained access to the spaces that were damaged during the collision this morning, the missing sailors were located,” saad sa pahayag ng U.S. Seventh Fleet. “The families are being notified and being provided the support they need during this difficult time.”

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ang Fitzgerald, isang Aegis guided missile destroyer, ay bumangga sa Philippine-flagged container ACX Crystal na mahigit tatlong beses ang laki sa kanya, may 56 nautical miles sa timog silangan ng Yokosuka nitong Sabado ng madaling araw.

Nawasak ang starboard side ng Fitzgerald, na nagdulot ng “significant damage” at paglubog sa dalawang berthing spaces, isang machinery room at radio room ng barko.

Isinugod sa ospital ang tatlong sugatang crew member, kabilang ang kapitan ng barko na si Commander Bryce Benson. Natutulog ang karamihan sa mahigit 200 marino na sakay ng destroyer ship nang maganap ang aksidente.

Walang nasaktan sa 20 crew member ng ACX Crystal, na pawang Pilipino, at hindi rin tumagas ang langis ng barko, ayon sa Nippon Yusen KK ng Japan , na may charter nito.

Labing-anim na oras matapos ang banggaan, binobomba na palabas ng Fitzgerald ang nakapasok na tubig dito habang nakatagilid sa home port nito sa Yokosuka Naval Base sa timog ng Tokyo kinahapunan ng Sabado. Nakadaong na rin ang ACX Crystal sa Oi wharf ng Tokyo, kung saan sinimulan na ng mga opisyal ang pagtatanong sa crew members kaugnay sa sanhi ng banggaan.

“Once an investigation is complete then any legal issues can be addressed,” sabi ng tagapagsalita ng U.S. 7th Fleet.

Sinisilip ng mga awtoridad ng Japan ang posibilidad ng “endangerment of traffic caused by professional negligence”, iniulat ng Japanese media.

Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang Pilipino na namatay sa nasabing banggaan. Nagpadala na rin ang Philippine Embassy sa Tokyo ng grupo na aasikaso sa mga tripulanteng Pinoy.

“Our thoughts and prayers are with the families and colleagues of the injured and missing US personnel, including Cmdr. Bryce Benson, the USS Fitzgerald’s commanding officer,” pahayag ng DFA.