ni Mike Crismundo at Beth Camia

BUTUAN CITY – Kontrolado na ng gobyerno ang 96 na barangay sa Marawi City, ayon sa tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na si Brig. Gen. Restituto Padilla.

Sinabi pa ni Padilla na narekober din ng militar ang ilang armas, maraming bala, mga communication facility at mga computer na inabandona ng Maute Group sa lugar ng bakbakan.

“Maraming armas na ang nakuha ng ating mga tropa sa ground,” ani Padilla.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Aniya, nakatutok ngayon ang tropa ng gobyerno sa natitirang bahagi ng apat na barangay ng lungsod kung saan nananatili ang nasa 100 miyembro ng Maute.

Sinabi rin ni Padilla na ipagpapatuloy ng militar ang mga airstrike sa layuning malipol ang mga natitirang kalaban.

Kinukumpirma rin, aniya, ng mga ground commander kung totoong napatay na sa mga labanan ang tatlong magkakapatid na Maute. “We are still assessing and validating these reports as of this time,” ani Padilla.

HANDANG IATRAS ANG MILITAR

Samantala, inihayag naman nitong Sabado ni Pangulong Duterte na handa siyang iatras ang militar sa Marawi sakaling ideklara ng Korte Suprema na walang basehan ang idineklara niyang martial law sa Mindanao.

“Rebellion na ‘yun. Kung ayaw nila, okay ako. Kung sabihin nila na there is no factual basis, then I am ready to order the military to withdraw, and we will not move. Hayaan na sila diyan. Kung kaya nila,” ani Duterte.

Dagdag pa ni Duterte, susundin niya ang utos ng Korte Suprema kung ipapawalang-bisa nito ang batas militar sa Mindanao. Gayunman, sakaling muling sumiklab ang gulo, sinabi niyang handa siyang magdeklara muli ng martial law.

“Kung magsabi ang Supreme Court mali, I will withdraw and if anything goes wrong, mag-declare ako ng martial law ulit second time around,” sabi ni Duterte. “If that rebellion burns Mindanao and the other parts of the Philippines and I’ll be forced to declare martial law again this time, I will do it on my own I will not consult anybody and there is no telling when will it end. Wala, then it could be a copycat of Marcos.”

'MY STATE OF HEALTH IS IMMATERIAL'

Kasabay nito, tiniyak din ng Presidente na walang dapat ipag-alala ang publiko sa kanyang kalusugan matapos na limang araw siyang hindi magpakita sa publiko.

“My state of health is what you see is what you get. Do not worry, there is the vice president who will take over. My state of health is immaterial kasi ang importante na may successor,” ani Duterte, na sinundan ng biro: “Sa mga kababayan ko, don’t worry too much. Ayaw pa ninyo niyan, isang taon lang bago na naman…bagong presidente.”