Ni: Tara Yap
ILOILO CITY – Siyam na pulis sa Maasin, Iloilo ang dinisarmahan at pinosasan ng mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) na sumalakay sa himpilan ng mga ito kahapon ng umaga.
Kinumpirma ni Mayor Mar Malones, Sr. sa Balita na sinalakay ng mga lalaking nakasuot ng maskara ang himpilan ng Maasin Police bandang 10:30 ng umaga kahapon.
Sinabi ni Police Regional Office (PRO)-6 director Chief Supt. Cesar Hawthorne Binag na walang nasaktan sa pagsalakay ng nasa 40 rebelde na tumangay din sa police patrol car at ilang armas mula sa presinto.
Ayon kay Binag, tinangay ng mga rebelde ang walong M16 rifle, apat na Glock pistol, 500 radio unit, dalawang laptop computer, at P29,000 cash.
Samantala, kalaunan ay narekober ang patrol car sa kalapit na bayan ng Alimodian.
Sa isang Facebook post, inamin ng NPA sa Panay Island ang pag-atake at sinabing ginawa nila ito dahil sangkot umano sa pangingikil sa mga vendor at pabaya sa kampanya kontra sugal at droga ang mga pulis-Maasin.
Isinagawa ng NPA ang pag-atake isang araw makaraang ipadala sa Marawi City, Lanao del Sur ang 525 sundalo ng 82nd Infantry Battalion ng Philippine Army na nakabase sa Iloilo.