Ni: Mary Ann Santiago
Hindi nakapalag sa awtoridad ang anim na drug suspect na naaktuhang bumabatak sa loob ng isang bahay na nagsisilbi umanong drug den sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Police Supt. Alex Daniel, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 7, ang mga suspek na sina Rey Cabunsol, 34; Deryl Nocum, 39; Michael Barreto, 43; Raymund Cajucom, 39; Luis Yana, 45; at Josephine De Guzman, 48, pawang taga-Tondo.
Base sa ulat, dinakip ang mga suspek sa bahay ni Cabunsol sa Narra Street, matapos makatanggap ng tip ang awtoridad hinggil sa pot session sa nasabing bahay, dakong 11:25 ng gabi.
Agad bineripika ng mga pulis ang impormasyon at sinalakay ang bahay at tuluyang inaresto ang mga suspek.
Narekober ang tatlong pakete ng umano’y shabu, na nagkakahalaga ng P1,200, at mga drug paraphernalia.