Ni REGGEE BONOAN
LIMANG taon ang kontratang pinirmahan ni Ryza Cenon sa Viva Artists Agency ni Ms. Veronique del Rosario-Corpus nitong Huwebes ng gabi kasama ang Viva big bosses na sina Vic del Rosario at Vincent del Rosario.
Starstruck Season 2 Ultimate Female Survivor si Ryza at sa loob ng 12 years na pananatili sa GMA-7 ay naging masaya naman siya sa trato sa kanya ng network, pero siyempre hindi naman na rin bumabata ang aktres at kailangan na rin niyang ilipad sa malayo ang mga pakpak niya kaya sinubukan ang ibang talent management na puwede pang makatulong sa career niya.
Pero sa totoo lang, wala kaming matandaang sariling TV show o title role na ibinigay ng Siyete kay Ryza. Parati siyang supporting o isa lang sa mga bida at karamihan ay guestings lang.
Nakakapagtaka dahil magaling naman siyang umarte. Sa katunayan, hinangaan siya nang husto sa indie movie ni Direk Prime Cruz na Ang Manananggal sa Unit 23B na isinali sa Quezon City Film Festival 2016.
Pawang positibo ang natanggap na rebyu sa performence ni Ryza sa pelikula na kung naiba-iba lang siguro ay binigyan na ng magagandang role habang kainitan ng pangalan niya noong nakaraang taon.
Sa loob ng 12 years sa GMA ay nakaka-anim na pelikula pa lang si Ryza at isa lang ang bida siya – sa Manananggal sa Unit 23B nga.
Ito ang nagtulak kay Ryza para kausapin ang Viva bosses na gusto niyang gumawa ng pelikula at sa tulong ng VAA ay matutupad ang pangarap niya kaya siya pumirma ng five-year exclusive contract.
In fairness, marunong tumanaw ng utang na loob si Ryza dahil kahit umalis siya sa GMA Artist Center ay mananatili pa rin siyang Kapuso, dito pa rin daw siya gagawa ng shows, at ito ang kundisyong hiningi niya sa Viva na pinayagan naman siya.
Alam naman na halos lahat ng talents ng VAA ay nasa ABS-CBN tulad nina Anne Curtis, Cristine Reyes, James Reid, Nadine Lustre, Louise de los Reyes, Bela Padilla, Sarah Lahbati at Sarah Geronimo.