Ni: MARTIN A. SADONGDONG
Muling nadakip ng mga awtoridad nitong Biyernes ang isang lalaking pumuga sa Sablayan Prison sa Oriental Mindoro upang makapiling ang pamilya nito sa Makati City, dahil ilang araw na umano itong nag-aalala sa pagkakasakit ng ama “whom he must have missed so much.”
Kinilala ni Senior Supt. Gerry Umayao, officer-in-charge ng Makati City Police, ang naaresto na si Lory Gamboa, 40 anyos.
Ayon kay Umayao, hinatulan si Gamboa ng 20 taong pagkakabilanggo makaraang mapatunayang nagkasala sa ilegal na droga noong 2005.
Gayunman, nakatakas si Gamboa sa Sablayan Prison sa Oriental Mindoro nitong Miyerkules.
Sinabi ni Umayao na nagtulungan ang mga tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) at Makati Police Community Precinct (PCP)-6 sa pagdakip kay Gamboa bandang 6:15 ng umaga sa harap ng isang gasolinahan sa J.P. Rizal Street, Barangay Guadalupe Viejo.
“Ang BuCor ang humingi ng tulong sa tao natin, so dinala sila doon sa location, doon naaresto ‘yung pugante,” sabi ni Umayao. “Baka name-miss na niya ‘yung pamilya niya kaya tumakas, dahil may sakit daw ‘yung tatay.”
Aniya, nakatira sa Bgy. Guadalupe Viejo ang pamilya ni Gamboa, at naniwala ang mga opisyal ng BuCor na roon ito “kaagad na pupunta” matapos pumuga dahil ilang beses na umanong nagmakaawa ang bilanggo sa mga jail officer na payagan siyang mabisita ang kanyang pamilya, ilang araw bago ito tumakas.
Ayon kay Umayao, posibleng desperado na si Gamboa matapos nitong mabatid sa isang bumisita rito na may sakit at posibleng malapit nang pumanaw ang ama nito.
Batay sa records ng BuCor, sinabi ni Umayao na kabilang sa mga bibigyan ng parole si Gamboa sa Agosto, pero mababalewala na ito dahil sa pagpuga ng bilanggo.