Ni: Associated Press
NGAYONG Father’s Day, dalawang card ang susulatan ni Betsy Roddy: ang isa ay para sa kanyang ama, at ang isa ay para naman sa kanyang yumaong lola sa tuhod na si Sonora Smart Dodd.
Ang ikalawang card ay ilang siglo nang tradisyon ng pamilya na nagbibigay-pugay sa Ina ng Father’s Day.
Ipagdiriwang ngayong Linggo sa Amerika ang ika-107 na Father’s Day simula nang gawing holiday ni Dodd ang nasabing okasyon noong 1910. Dahil dito, siya ang responsable sa taunang pagreregalo sa mga ama ng tahanan sa buong mundo.
Isa itong tradisyon na napagpasyahan ni Dodd na simulan habang nakaupo siya sa loob ng isang simbahan sa Spokane, Washington, noong Mother’s Day ng 1909, sa matamang pakikinig niya sa sermon tungkol sa Araw ng mga Ina.
“And it bugged her,” natatawang kuwento ni Roddy, ang 55-anyos na apo sa tuhod ni Dodd nang kapanayamin habang nakaupo sa sala ng kanyang bahay sa Los Angeles. “She thought, ‘Well, why isn’t there a Father’s Day?’”
Ito ay dahil pinalaki si Dodd, at lima niyang nakababatang kapatid na lalaki, ng kanilang ama makaraang mamatay sa panganganak ang kanyang ina taong 1898.
Piniling magsaka ni William Jackson Smart matapos siyang sumabak sa Civil War. Hindi lamang niya mahusay na ginampanan ang papel ng isang ama at isang ina, kundi ginawa niya ito nang may “leadership and love,” buong pagmamalaking kuwento ni Roddy.
“So she worked tirelessly with the local clergy and got the YWCA on board, and they had their first Father’s Day in Spokane in 1910,” sabi ni Roddy habang ipinakikita ang naninilaw na kopya ng pahayagang The River Press ng Fort Benton, Montana, na nag-ulat sa event.
Bagamat inasahan nang ipagdiriwang sa buong Amerika ang Father’s Day nang sumunod na taon, hindi ito ang nangyari.
Kaya naman ginugol ni Dodd ang sumunod na 62 taon sa paghimok sa lahat, mula sa mga pangulo hanggang sa mga negosyo, upang suportahan ang taunang pagdiriwang.
At sa wakas, taong 1972, idineklara ni President Richard Nixon ang ikatlong Linggo ng Hunyo bilang federal holiday na nagbibigay-pugay sa mga ama. Pumanaw noong 1978 sa edad na 96, naabutan pa ni Dodd ang katuparan ng kanyang matagal nang pinapangarap.
Isang babaeng Renaissance, ang Ina ng Father’s Day ay naging pintor, makata, at negosyante, pinangasiwaan ang isang punerarya kasama ang kanyang asawa habang magkatuwang nilang pinalalaki ang nag-iisa nilang anak, si Jack, ang lolo ni Roddy.
“I take a great deal of pride in that renegade spirit that she clearly had,” sabi ni Roddy, marketing director ng isang malaking kumpanya sa Los Angeles.
Bilang anak ng isang nag-iisang anak, hindi naman pinalad na maging ina si Roddy, na biyuda na ngayon, kaya siya na lamang ang huling direktang kaanak ni Dodd, ang Ina ng Father’s Day.
“It’s time for me to pick up the baton and carry it proudly,” nakangiting sabi ni Roddy. “I’m the last direct descendant. The legacy is here, which is an honor.”