HINDI pa tapos ang bakbakan sa Marawi City, Lanao del Sur, ngunit nakatutuwang malaman na sinimulan na ng gobyerno ang pagpaplano para sa rehabilitasyon ng nawasak na lungsod. Inihayag ng Malacañang na popondohan ng P10 bilyon ang paglulunsad ng “Bangon Marawi” recovery program. Sa Kongreso, inihain na ang House Bill 5874 upang maglaan ng P10-bilyon supplemental fund para sa programang “Tindeg Marawi”.
Sa datos nitong Miyerkules, apat sa 21 barangay na sinalakay ng grupong Maute at mga kaalyado nito sa Islamic State mula sa Indonesia, Malaysia at iba pang mga bansa ang kontrolado pa rin ng mga terorista. Ang malaking bahagi ng siyudad, na may kabuuang 96 na barangay, ay napaulat na nalinis na sa mga kaaway, ngunit maraming residente ang nagsilikas patungong Iligan City sa Lanao del Norte.
Nasa 1,000 residente ang sinasabing naipit sa mga lugar na kontrolado pa rin ng Maute. Limang residente ang sinasabing nagtangkang tumakas para sa sariling kaligtasan nitong Lunes ngunit binaril at napatay. Naglabas ang Islamic State ng video na nagpapakita sa mga terorista habang namamaril ng anim na sibilyan.
Kung ikokonsidera ang mga ganitong sitwasyon, mahirap matukoy kung kailan malilipol ang mga kaaway sa Marawi. Umaasa si Pangulong Duterte na malapit nang maisakatuparan ito, ngunit ayaw magbigay ng eksaktong petsa ni Lt. Gen. Carlito Galvez, ang commander ng Western Mindanao Command ng Armed Forces of the Philippines.
Kaya nagpapatuloy ang bakbakan sa apat na barangay na nananatiling kontrolado ng Maute, ngunit nailatag na ang mga plano para sa rehabilitasyon ng siyudad. Ang Marawi ang kabisera hindi lamang ng Lanao del Sur, kundi ng Autonomous Region on Muslim Mindanao (ARMM). Ito ang sentro ng kultura at edukasyong Muslim sa rehiyon, ang lugar ng Mindanao State University. Maraming pampubliko at pribadong gusali at kabahayan ang nawasak sa mga bomba at bala. Ngunit ang pinakakinakailangan ngayon ay ang isailalim sa rehabilitasyon ang buhay ng mamamayan ng Marawi.
Hindi maiiwasang maikumpara ito sa rehabilitasyon ng Tacloban City at ng iba pang mga bayan at lungsod na sinalanta ng super typhoon ‘Yolanda’ noong Nobyembre 2013, na ang mga biktima ay patuloy na naghihimutok sa napakabagal na tulong ng pamahalaan sa nakalipas na mga taon. Sa ikatlong anibersaryo ng Yolanda noong 2016, dumalo ang kahahalal noong si Pangulong Duterte sa commemoration rites na idinaos sa isang sementeryo na may mass grave para sa 2,973 nasawi sa bagyo, at sinabi niyang hindi siya kuntento sa resulta ng rehabilitasyon ng gobyerno. Bigo ang pamahalaan na magawa ang inaasahan sa kanila ng mamamayan, ayon kay Pangulong Duterte.
Makikita sa rehabilitasyon sa Marawi City kung ano ang kayang gawin ng isang determinado at mahusay na gobyerno.