Paras copy

Ni: PNA

HINDI umabot sa itinakdang deadline para sa pagsusumite ng opisyal na line-up ng Gilas Pilipinas ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) para sa 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Bunsod nito, hiniling ni PH chef de mission Cynthia Carrion sa SBP na repasuhin ang ginagawang pagpili sa mga miyembro ng koponan upang makaiwas sa anumang negatibong aksiyon ng organizing committee.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Ayon kay Carrion, baka mabutasan ang Gilas para madiskuwalipika ng Malaysian SEAG Organizing Committee (MASOC).

Itinakda ng organizer nitong Hunyo 15 ang deadline sa pagsusumite ng entry by name.

Ayon kay SBP assistant executive director Bernie Atienza, nakatakda pang sumabak sa ilang torneo sa abroad ang Gilas kaya hindi pa nila mapili ang opisyal sa 12-man line up. Aniya, mapupuno nila ito sa Hunyo 27.

Sa kasalukuyan, ang mga pangalan pa lamang nina Kobe Paras, Kiefer Ravena, at Christian Standhardinger, ang nakasumite sa POC-PSC SEAG Task Force.

“I told Bernie (Atienza) don’t be too late because they may find reason to disqualify us especially in basketball where they know we are very strong,” pahayag ni Carrion.

Bukod sa basketball, hindi rin nakapagsumite ng line-up ang swimming, sailing, at water skiing.

Iginiit naman ni Carrion na hiniling na niya sa MASOC na mabigyan sila ng extension hanggang Hunyo 20.

Hindi pa natatalo ang Pinoy sa basketball ng SEA Games maliban sa hindi malilimot na 1989 edition sa Malaysia.