Ni: Bella Gamotea

Patay ang isang sinasabing tulak ng ilegal na droga matapos makipagbarilan sa mga pulis na nagsagawa ng buy-bust operation sa Muntinlupa City, kahapon ng madaling araw.

Dead on the spot si Ernesto Buenaventura, alyas “Nestor Demonyo”, 50, ng Creek Side, Barangay Bayanan, dahil sa ilang tama ng bala na tinamo sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Pinaghahanap naman ng awtoridad ang anak ng suspek na si Bimbo, 30, na isa rin umanong drug pusher sa lugar at kasama ng ama sa nasabing ilegal na transaksiyon.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Sa ulat ng Muntinlupa City Police, dakong 1:40 ng umaga nang mangyari ang insidente sa Purok Dos sa Creek Side ng Bgy. Bayanan.

Isang pulis ang umaktong poseur buyer at bumili umano ng P300 halaga ng shabu sa mag-ama.

Sa gitna ng transaksiyon, natunugan ng matandang Buenaventura na pulis ang kanyang kausap kaya tinimbrehan umano nito ang anak para tumakas bago bumunot ng baril.

Hindi na nagawa pang makaputok ng baril ng matandang Buenaventura dahil naunahan na siya ng mga pulis, at napatay.

Dalawang plastic sachet ng hinihinalang shabu at isang .45 caliber pistol ang narekober mula sa nasawing suspek, na nasa drug watch list umano ng Muntinlupa City Police.

Nabatid na dati namang nakulong si Bimbo dahil sa ilegal na droga subalit pansamantalang nakalaya matapos magpiyansa.