Senior Insp. Solar copy

Ni Mike U. Crismundo

SURIGAO CITY – Martes ng hapon iyon nang mamataan ang pagkasunog ng ilang istruktura, nagsimulang magtakbuhan ang mga tao palabas sa kani-kanilang bahay, hindi alam kung saan magkukubli. Kailangan nilang tumakas, ngunit saan sila pupunta? Biglang umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril, may isang napahiyaw sa matinding sakit. Nagsabay-sabay na ang paghihiyawan ng paghingi ng saklolo, saklot ng matinding takot ng lahat.

Hapon iyon ng Mayo 23 nang magbagong-anyo ang Marawi City, Lanao del Sur; mula sa pagiging isang maganda at payapang Islamic city, mistulang bangungot na ngayon ang lungsod na sinalakay ng Maute Group.

Human-Interest

ALAMIN: Ano ang silbi ng ‘bollards’ at paano nito pinipigilan ang aksidente?

Mahigit 300 na ang nasawi sa bakbakan, bukod sa maraming iba pang nasugatan. Kabilang sa mga napatay sa panig ng puwersa ng gobyerno si Senior Insp. Freddie M. Solar, sa labis na panghihinayang ni Police Regional Office (PRO)-13 director Chief Supt. Rolando B. Felix, na itinuturing siyang asset sa pulisya.

Ngunit kung may pinakamatinding nasaktan sa maagang pagpanaw ni Solar, ito ay ang kanyang dalawang anak na babae—sina Cassandra, 7; at Jadie, 6—na hindi na siya makakapiling muli. Inulila rin ni Solar ang 29-anyos niyang maybahay na si Manilyn Dela Cruz Solar.

Kuwento ni Manilyn, kahit pa normal na para sa kanilang pamilya na wala sa bahay si Solar kapag kanilang kaarawan, anibersaryo o kahit Pasko, ilang beses na nilang pinag-usapan ng asawa na huwag itong magpapa-assign sa Mindanao.

Likas na makabayan, lagi aniyang iginigiit ng asawa na ligtas ang Mindanao.

Lagi rin umanong nakakausap ni Solar sa telepono ang kanyang mga anak.

“Daddy, kailan ka uuwi?” kuwento ni Manilyn na laging tanong ni Jadie kapag kausap ang ama.

“Daddy, uwi ka na,” pakiusap namang lagi sa ama ng panganay na si Cassandra.

Ayon kay Manilyn, laging “oo” ang sagot ni Solar sa kanilang mga anak—hanggang sa dumating ang araw na hindi alam ng ginang kung paano sasabihin sa mga anak ang huling pag-uwi ng ama sa kanilang piling.

ANG PAG-UWI

Hapon ng Hunyo 5 nang umuwi si Solar sa Barangay Mabua sa Surigao City, gaya ng kanyang ipinangako. Suot ang kanyang military uniform, kumpleto sa mga medalyang una na niyang tinanggap sa mahusay na serbisyo sa pulisya, nakasuot pa si Solar ng makintab na itim na sapatos.

Ngunit wala na siyang buhay, at nakasilid sa isang puting kabaong, ayon kay Manilyn.

Kuwento ni Manilyn, may pagtataka at matinding kalungkutan sa mukha ng kanyang bunsong si Jadie habang dahan-dahang lumalapit sa kabaong ng ama.

“Daddy, umuwi ka na nga! Andito ka na,” sabi ni Jadie bago nag-iiyak.

“Lahat ng naroon, lahat ng nakakita kay Jadie, napaiyak din sila,” kuwento ni Manilyn.

Sinabi ni Marilyn na naulinigan din niya ang naibulalas ng panganay niyang si Cassandra habang pinagmamasdan ang ama:

“Tinupad mo ang promise mo, Daddy.”

At ang mensahe ni Manilyn ngayong Father’s Day: “Sa lahat ng pulis, na hindi nare-recognize ang serbisyo at sakripisyo para sa publiko, happy Father’s Day sa inyong lahat.”