Ni: Vanne Elaine P. Terrazola at Jun Fabon

Patay ang tatlong armado sa pakikipagbarilan sa mga nagpapatrulyang pulis sa Quezon City, nitong Huwebes ng gabi.

Nakaengkuwentro ng mga operatiba ng Quezon City Police District’s Anti-Carnapping Unit (ANCAR) ang tatlong hindi pa nakikilalang lalaki na sakay sa motorsiklo sa Barangay Sauyo, Novaliches, dakong 11:00 ng gabi.

Una rito, naglilibot sa pinangyarihan ang nasabing grupo nang mamataan nila ang mga suspek na pawang walang suot na helmet sa panulukan ng Engineer at Accountant Street.

National

DOH, nilinaw na hindi kumpirmado kumakalat na umano’y ‘international health concern’

Napansin din nila na walang plaka ang motorsiklo ng mga suspek. Nang parahin ng awtoridad, agad humarurot palayo ang tatlo.

Nagkaroon ng habulan hanggang sa umabot sa Baluyot Drive kung saan bumaba ang mga suspek sa madilim na bahagi ng lugar. Maya-maya pa’y sinimulan nilang paputukan ang mga pulis.

Ayon sa ulat, wala nang nagawa ang mga pulis kundi pagbabarilin ang mga armado hanggang sa tuluyang bumulagta.

Nakuha mula sa mga suspek ang dalawang caliber .45 pistol at isang caliber .38 revolver. Isa sa kanila ang nakuhanan ng tatlong pakete ng hinihinalang shabu.