Ni: Clemen Bautista

TUWING sasapit ang ikatlong Linggo ng Hunyo, bahagi na ng kaugalian at tradisyong Pilipino na ipinagdiwang ang Father’s Day o Araw ng mga Ama. Katulad ng pagpapahalaga sa ating mga ina, ang mga ama ay pinag-uukulan din ng pagkilala, parangal at pagpupugay bilang haligi ng tahanan.

Masasabing masaya, mapalad at may hatid na galak at ligaya sa puso at damdamin ng mga anak na buhay pa at kapiling ang kani-kanilang ama sapagkat mayayakap, mahahagkan at mahahandugan nila ng regalo. Dadalhin sa isang kilalang restaurant o food chain. Doon, kasama at kasalo sa ipinalutong masarap na pagkain.

Sa mga tatay naman na hindi na makalabas ng bahay dahil na-stroke, naka-wheelchair o hindi na makapaglakad nang malayo dahil sa rayuma o arthritis, kaligayahan na nila na sila’y dalawin ng kanilang mga anak, manugang at mga apo.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ipagluto ng masarap at paboritong pagkain. Magsasalu-salo sa pananghalian o kaya ay sa hapunan. Magdaraos ng palaro ang mga apo na alay sa kanilang lolo, lelong o grandfather. Tiyak, maluha-luha sila sa pasasalamat.

Sa mga anak naman na wala nang ama (maagang naulila o sumama sa ibang ina o kaya ay sumakabilang buhay o bahay na), lungkot, luha at kahungkagan ang maaari nilang nadarama. Ang tangi nilang magagawa’y ipagdasal na lamang ang kanilang ama.

Sa mga parokya naman ng Diyosesis sa iba’t ibang bayan sa lalawigan, ang mga pari ay may special prayer para sa mga ama. Nababanggit sa panalangin si San Jose, ang butihing esposo ni Maria at isang mabuting ama ni Jesus. Haligi ng pamilya ng Mahal na Birhen at ni Jesus. Matapos ang Misa, tinatawag ang lahat ng mga tatay na nagsimba. Pinalalapit sa altar upang ipagdasal. Matapos ang special prayer, kasunod na nito ang pagbebendisyon. Ang mga nagsimba naman ay nag-ukol nang malakas na palakpakan bilang pagpupugay sa mga ama.

Ayon sa kasaysayan, sa lipunang Pilipino noon ay dominado ang mga lalaki. Ang ama ang haligi ng lakas, simbolo ng talino at katatagan ng pamilya. Sila ang puno ng barangay bago dumating ang mga Kastila. At noong panahon ng mga Kastila, ay naging cabeza de barangay o gobernadorcillo (mayor).

Ang pagdiriwang ng Father’s Day ay nagsimula sa Spokane, Washington, United States of America. Idinaos ang unang Araw ng mga Ama noong ika-19 ng Hunyo, 1910. Ang pagdiriwang ay opisyal na naitatag noong 1966 nang lagdaan ni US President Lyndon B. Johnson ang isang “Presidentail Proclamation” na nagpapahayag na ang ikatlong Linggo ng Hunyo ay Araw ng mga Ama. Pinagtibay naman ito ni US President Richard M. Nixon noong 1972. At makalipas ang maraming taon, ipinagdiwang na rin ang Father’s Day sa Europa, Canada at iba pang bansa sa Asya.

Sa iniibig nating Pilipinas, nagsimula ang pagdiriwang ng Father’s Day noong 1980, matapos kilalanin ng iba’t ibang sektor ang pagsisikap ng ad hoc Filipino Father’s Day ‘ Exponents. Dito nag-ugat na tuwing Father’s Day ay may mga ulirang ama na binibigyan ng pagkilala at parangal. Malawak ang katuturan at kahulugan ng ama. Sa balikat niya nakaatang ang mahahalagang tungkulin upang tumibay sa pagbubuklod, pagmamahalan at pakakasundo ang mga nasa loob ng tahanan. Mapatatag ang pagsasama upang maging kaparapat-dapat sa mata ng mga tao at Dakilang Maykapal. Lakas at haligi ng tahanan ang ama upang gumanda ang kinabukasan ng kanyang pamilya.

Ama, Tatay, Itay, Tatang, Daddy, Papa, Dada, Erpat at iba pa. Ang mga ito ay marami pang kahulugan.