Ni: BEN R. ROSARIO

Ang 463 piitan sa bansa ay kaya lamang tumanggap ng 20,746 na bilanggo, pero may kabuuang 126,946 ang nagsisiksikan ngayon sa mga piitan, o 511 porsiyentong higit sa maximum carrying capacity nito.

Dahil dito, nalalantad ang mga bilanggo sa seryosong banta ng pagkakahawahan ng sakit.

Ito ang obserbasyon ng Commission on Audit (CoA) nang kumpirmahing lumobo ng 32.09 porsiyento ang populasyon ng mga bilanggong pinangangasiwaan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), o nadagdagan ng 30,937 noong 2016 kumpara sa nakalipas na taon.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Ayon sa COA, ang pagdami ng bilanggo ay bunsod ng pagtaas din ng insidente ng mga pag-aresto sa mga kasong may kinalaman sa droga.

Dagdag pa ng komisyon, ang mabagal na usad ng hustisya dahil sa kakulangan ng mga hukom, pagpapaliban sa mga pagdinig, at mabagal na pagdinig sa mga kasong kriminal na may parusang kamatayan ang mga dahilan sa pagsisikip ng mga piitan.

“The total jail population of 126,946 as of December 31, 2016 exceeded the total ideal capacity of 20,746 with a variance of 106,200 or a total average occupancy rate of 511 percent did not conform with the BJMP Manual on Habitat, Water Sanitation and Kitchen in Jails and with the United Nationsl Minimum Standard Rules for the Treatment of Prisoners, resulting in unhealth livign conditions of the inmates caused by heavy congestion,” saad sa ulat ng CoA sa taunang audit nito sa BJMP noong 2016.

Bagamat naging matagumpay ang recruitment sa karagdagang 500 jail officer noong nakaraang taon, biglang lobo naman ang pagdami ng mga akusado sa kasong kriminal na naghihintay na malitis.

Tinukoy ng auditors na kabilang sa mga bilangguang may pinakamalalaking populasyon ay matatagpuan sa Region 3, na may 12,490 preso sa 1,178 ideal capacity, o 961% congestion rate; Region 1, na may 4,962 preso sa 528 jail capacity, o 840% congestion rate; at Region 9, na may 5,575 bilanggo sa 691 ideal capacity, o 707% congestion rate.

Upang maresolba ang problema, iminungkahi ng CoA sa BJMP na magpatayo ng mas maraming gusaling piitan at selda, at paigtingin ang Good Conduct time allowances upang mapalaya na ang mga napagsilbihan na ang sentensiya sa kanila.