Ni: Fer Taboy at Francis Wakefield

Pinaigting ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang pagtutulungan upang hadlangan ang Maute Group na mapasok ang Iligan City, Lanao del Norte.

Katunayan, kumikilos na ang pulisya at militar upang hindi maging banta sa siyudad ang Maute Group, na ang ilang miyembro ay pinaniniwalaang nakatakas at nagtatago sa Iligan City.

Ayon kay Task Force Marawi spokesman Lt. Col. Jo-Ar Herrera, tiniyak sa kanya ni Iligan City Police Office (ICPO) director Senior Supt. Leony Roy Ga, na hindi malalagay sa panganib ang mga residente ng Iligan City.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Una nang iniulat ng pulisya na may namataang mga armadong lalaki, na pinaniniwalaang mga Maute, sa Barangay Suarez na papasok sa Iligan mula sa Marawi.

Kasabay nito, nanawagan ang AFP sa publiko na manatiling alerto at mapagmatyag para mahadlangan ang anumang tangkang pagkilos ng mga terorista.

NASAWI SA BAKBAKAN, 310 NA

Samantala, kinumpirma ng AFP nitong Biyernes ng gabi na umabot na sa 225 ang bilang ng mga napatay sa Maute.

Sa pahayag ng Joint Task Force Marawi, sinabi ring umabot na sa 59 ang mga sundalo at pulis na nasawi sa bakbakan, habang 26 naman ang napatay na sibilyan.

Ayon sa militar, nasa 208 naman ang baril na nasamsam mula sa mga terorista.

“Clearing operations continues to be positive. Out of 96 Barangays, only four barangays remain as problematic areas and where focused military operations in urban terrain is ongoing,” sabi ni AFP spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla.

“Enemy resistance continues to dwindle and enemy held areas continues to get smaller as troops advance. Compounding development remains to be the use of civilians as human shields and mosques as staging areas and safe havens,” dagdag ni Padilla.