Ni: Mary Ann Santiago at Bella Gamotea
Muling kinansela ng Department of Education (DepEd) ang pagbubukas ng klase sa Marawi City na unang itinakda sa Lunes, Hunyo 19.
Sa isang press briefing, sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na nagdesisyon silang muling kanselahin ang pagbubukas ng klase sa Marawi City dahil sa security concerns.
Sa ngayon ay walang ibinigay na eksaktong petsa ang DepEd kung kailan papapasukin ang mga estudyante, dahil hindi pa rin batid kung kailan maibabalik sa normal ang sitwasyon sa Marawi.
Pinabulaanan naman ni Briones ang ulat na daan-daang guro sa Marawi City ang nawawala dahil sa patuloy na bakbakan sa pagitan ng mga militar at ng Maute Group.
Ayon sa kalihim, masyado pang maaga para sabihing nawawala nga ang mga guro.
“It is too soon to declare that some teachers are missing. It’s just that a number of them have not been tracked because of communication difficulty,” sambit ni Briones.
Samantala, handa umano ang Department of Trade and Industry (DTI) na palawigin ang price freeze sa mga pangunahing bilihin sa buong Mindanao, sakaling matapos ang 60 araw na batas militar.
Sakaling mapalawig, hindi babaguhin ng DTI ang saklaw ng kasalukuyang umiiral na price freeze sa Mindanao.