ISINUSULONG ngayon sa Kongreso na iagapay sa kasalukuyang panahon ang Sotto Press Freedom Law of 1946 na nagsasaad na hindi maaaring pilitin ang mga mamamahayag na sabihin kung sino ang pinanggalingan ng kanyang impormasyon maliban na lamang kung nakasalalay sa pagbubunyag nito ang kapakanan ng bansa.
Noong 1955, limang mamamahayag ang piniling magpakulong kaysa tumalima sa atas ng isang hukom na ibunyag nila ang pinanggalingan ng impormasyon sa kanilang iniulat tungkol sa pagbibigay ng hatol ng nasabing hukom sa isang miyembro ng gabinete noong panahong iyon. Kaagad na kumilos ang Kongreso upang amyendahan ang nasabing batas na obligahin lamang ang pagbubulgar ng source kung nakasalalay na ang “seguridad ng estado”. Pinalakas nito ang kalayaan sa pamamahayag dahil ang “seguridad ng estado” ay hindi sangkot sa mga sekreto na nais ng maraming opisyal at pulitiko na ilihim sa publiko.
Ang huling hakbangin upang amyendahan ang batas na ito ay pinangunahan ni Senate Majority Leader Vicente Sotto III, apo ni Sen. Vicente Yap Sotto na may akda sa nasabing batas noong 1946. Nais ng kasalukuyang Sotto na palawakin ito at saklawin na rin maging ang mga broadcaster sa telebisyon at radyo, gayundin ang mga on-line reporter. Ang orihinal na Press Freedom Law ay pinagtibay noong 1946, noong tanging sa dyaryo lamang ang pamamahayag. Hangad na saklawin na rin ng proteksiyong kaloob ng nasabing batas maging ang broadcast media at ang Internet, aniya.
Nagmungkahi ang isang kongresista na mas mainam na saklawin na rin ng panukalang pag-amyenda ang isang probisyon na nagtatakda sa pagrerehistro sa lahat ng mamamahayag at media outlet sa bansa. Hihilingin sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), sa Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas (KBP), at sa National Press Club (NPC) na magbigay ng tala ng kanilang mga miyembro, at tiyaking ang listahan ng mga mamamahayag ay “free of scammers, misfits and purveyors of fake news”.
Dito na kokontrahin ng panukalang batas ang probisyon sa Konstitusyon: “No law shall be passed abridging the freedom of speech, of expression, of the press, or the right of the people peaceably to assemble and petition the Government for redress of grievances.” (Section 4, Article III, Bill of Rights)
Dahil sa malayang pamamahayag, kahit sino ay maaaring maglathala ng kahit ano, nang hindi na kinakailangan ang lisensiya o permiso. Walang sinuman ang maaaring obligahin ng gobyerno na maglathala ng kahit ano; at hindi rin maaaring pagbawalan sa paglalathala ng ulat. Ang nasabing pagbabawal ay partikular na hindi pinahihintulutan ng Konstitusyon.
Ang kalayaan sa pamamahayag, gaya ng iba pang kalayaan, ay may mga limitasyon. Kung nagdulot ng paninirang-puri ang isang ulat sa pahayagan sa isang tao, maaari itong kasuhan ng libelo, gayundin ang mamamahayag na nagsulat. Kung idinetalye ng pahayagan ang sekreto ng militar sa panahon ng digmaan, ituturing ito bilang usapin sa pambansang seguridad. Ang mga hakbanging legal ay pagkatapos na malathala, sa pamamagitan ng pagsasampa ng kasong libelo ng sinumang naagrabyado.
Maaari bang pagbawalan ang sinumang wala sa tala ng NUJP, KBP, at NPC sa paglalathala ng ulat o opinyon? Kung sakali, malinaw na pagpigil ito. Umiiral ang probisyon ng malayang pamamahayag sa ating Konstitusyon upang matiyak na walang gobyernong magbabawal sa sinuman sa pagpapahayag ng kanyang opinyon, gaano man nito tinututulan ang mga hakbangin ng gobyerno, gaano man ito lihis sa katwiran. Maaaring peke pa nga, ngunit sa malayang pagpapalitan ng mga ulat, opinyon, at ideya, walang makapipigil sa pananaig ng katotohanan.
Sa pagsusulong na amyendahan ang Sotto Press Freedom Law, dapat na tiyaking walang probisyon nito ang lilihis sa Konstitusyon—walang kuwalipikasyong akademiko, walang pangangailangan sa permiso o lisensiya, at walang opisyal na tala ng mga pinahihintulutan sa pamamahayag.