Ni: Mary Ann Santiago

Timbuwang ang apat na lalaki, na pawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga, nang manlaban sa buy-bust operation sa Pasig City at sa Maynila, kamakalawa hanggang kahapon ng madaling araw.

Dalawa sa mga napatay ay kinilalang sina “Jason” at “David”.

Sa ulat ng Pasig City Police na ipinarating sa tanggapan ni Eastern Police District (EPD) Director Police Chief Supt. Romulo Sapitula, ikinasa ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), sa pangunguna ni Police Senior Insp. Georel Calipusan, ang buy-bust operation laban kay Jason, dakong 1:45 ng madaling araw.

National

5.9-magnitude na lindol, yumanig sa Southern Leyte; Aftershocks at pinsala, asahan!

Nagkasundo si Jason at ang poseur buyer na magkita sa kanto ng Eusebio Avenue sa Barangay San Miguel, at doon isagawa ang transaksiyon.

Sa kalagitnaan ng transaksiyon, nakahalata umano si Jason na peke ang transaksiyon kaya bumunot ng baril at pinaputukan ang pulis na handa at may suot ng bullet proof vest.

Hindi na nagdalawang-isip ang awtoridad na barilin si Jason, gayundin si David na nagtangkang tumulong sa una.

Una rito, dakong 10:15 ng gabi kamakalawa, napatay ang dalawa ring hinihinalang tulak ng droga matapos manlaban sa awtoridad sa Sta. Cruz, Maynila.

Naisugod pa sa Justice Jose Abad Santos General Hospital ngunit namatay din sina alyas Joshua at Alvin.

Sa ulat ni SPO4 Glenzor Vallejo, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), ikinasa ng mga tauhan ng Drug Enforcement Team ng MPD-Station 11, sa pangunguna ni Police Senior Insp. Joselito delos Reyes, ang operasyon laban sa mga suspek sa southbound service road ng McArthur Bridge sa Sta. Cruz.

Tumayong poseur buyer si PO1 Raymund Gulapa at bumili ng shabu kay Joshua ngunit nakatunog ito at sinigawan si Alvin.

Kapwa bumunot ng baril ang mga suspek at nagpaputok habang tumatakas.

Dito na nagkaroon ng lakas ng loob ang mga pulis na paputukan ang mga suspek na tuluyang bumulagta.