Ni: Vanne Elaine P. Terrazola at Jun Fabon

Bumuo ng special task group ang awtoridad na mag-iimbestiga sa pamamaril at pagpatay kay Bureau of Internal Revenue-Novaliches (BIR RDO 28) tax assessment chief Alberto Enriquez, Jr., nitong Miyerkules ng umaga.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) director Chief Supt. Guillermo Eleazar, aalamin ng “Special Investigation Task Group (SITG) Enriquez” ang mga posibleng motibo sa pamamaslang sa 49-anyos na tax officer, kung ito ay may kinalaman sa trabaho, pamilya o personal.

Binaril si Enriquez ng dalawang katao na lulan sa motorsiklo — isa sa kanila ay walang suot na helmet — sa paradahan malapit sa kanyang opisina sa West Avenue, Barangay Philam, bandang 7:29 ng umaga kamakalawa.

Libreng toll fee sa NLEX,SCTEX at iba pang expressway, ipatutupad sa Pasko at Bagong Taon

Isang bala ng 9mm baril na bumaon sa ulo ni Enriquez ang nagpabulagta sa kanya. Agad humarurot palayo at tumakas ang mga suspek.

Sinabi ni Eleazar na nakausap na niya si BIR-Novaliches director Leonora Ruizol na nagsabing kauupo niya lamang sa kanyang puwesto sa RDO 28 nitong Pebrero.

Sinabi umano ni Ruizol kay Eleazar na hindi nito personal na kilala ang biktima, at walang binanggit na problema sa trabaho ni Enriquez.

Samantala, sinabi naman ni BIR-Region 7 (Quezon City) Investigation District (RID) chief Dennis Floreza, na maganda ang track record ni Enriquez sa kanyang 28 taong serbisyo sa BIR.

“To my personal knowledge, he had no record of involvement in anomalies in the agency,” aniya sa panayam sa Balita.

Ang RID ay unit sa BIR na tumatanggap ng mga reklamo mula sa mga taxpayer.

Iniimbestigahan din nito ang mga tax officer kaugnay ng pagkakasangkot sa kurapsiyon sa kanilang distrito.

Sinabi ni Floreza na hindi imposible na may kinalaman sa trabaho ang pagpatay kay Enriquez. Sinabi niya na trabaho ni Enriquez, bilang tax assessment chief, na pag-aralan ang performance at assessment ng lahat ng revenue officers sa Novaliches.

Para naman sa hepe ng QCPD chief, maaaring binayaran ang mga armadong pumatay kay Enriquez.

“His section is involved in the auditing of records of establishments, there may be groups who are not satisfied with the way he functions. We will look into it,” ani Eleazar.