Ni: LITO MAÑAGO
NAG-LAST shooting day nitong nagdaang Lunes sa location set sa Laguna ang grupo ng Ang Pamilyang Hindi Lumuluha, pinangungunahan ni Sharon Cuneta.
Kauna-unahang movie ito ni Sharon pagkaraan ng halos walong taon. Ang huling pelikula niya ay Mano Po 6: A Mother’s Love na naging official entry ng Regal Entertainment sa MMFF 2009.
Ngayong tapos na ang principal photography ng Ang Pamilyang Hindi Lumuluha ni Direk Mes de Guzman, habol na habol na ito sa deadline ng 2017 Cinemalaya Independent Film Festival.
Unang indie film ito ni Shawie at isa ito sa sampung official entries sa 2017 Cinemalaya na tatakbo ng sampung araw simula Agosto 4, 2017.
Inakala noon ng supporters ng megastar na hindi na niya ito magagawa dahil sa kanyang busy schedule. Umalis pa siya patungong Amerika for a short respite kaya nadagdagan ang pangamba ng fans.
Pero pagbalik ng grand slam queen mula USA, inayos niya ang kanyang schedule kaya agad nasimulan ang proyekto.
Nasa post-production work na ngayon ang pelikula at lumipad na rin si Sharon patungong Amerika para sa kanyang concert series.
Noong isang gabi, bumiyahe na ang isa sa coaches ng The Voice Teens Philippines at ibinalita nito sa kanyang social media accounts na limang linggo siyang mawawala.
Kasama niyang umalis patungong Los Angeles ang mister na si Sen. Kiko Pangilinan, mga anak na sina Frankie, Miel at Miguel. Ibinalita rin ni Sharon na susunod sa kanila ang panganay niyang anak na si KC Concepcion.
Sa post ng award-winning singer/actress sa kanyang Facebook page, aniya, “Off to see you in a bit, U.S.A.! Will miss you, (insert PH flag emoticon). Back in 5 weeks. Please pray for our safety and the success of all our concerts! God bless us all. I love (heart emoji) you.”
Ang naturang picture ay nagbunsod din ng usap-usapan sa showbiz circle na nagsasama pa o hindi naghiwalay kung ganoon sina Sharon at Sen. Kiko. Lumabas kamakailan ang isyu na naghiwalay na sila.
Ibig sabihin, by August 4, nakabalik na siya ng bansa at nakatitiyak na rin ang pagdalo ni Sharon sa red carpet ng opening night ng Cinemalaya sa Cultural Center of the Philippines.
Minsan nang nabanggit ng singer/actress sa isa sa kanyang mga post ang tungkol sa pagkakaroon niya ng Cinemalaya entry ngayong taon.
“Seriously, thank you from the bottom of my heart, Cinemalaya 2017, for giving me and Direk Mes de Guzman the privilege and honor to be part of this year’s film entries. I am beyond thrilled and feel truly blessed. I am just so honored,” FB shoutout ni Shawie bago pa magsimula ang shooting ng kanyang first indie film noong Mayo.