Ni: Argyll Cyrus B. Geducos at Roy C. Mabasa

LONDON (AP) — Hindi pa lubusang humuhupa ang usok sa nasunog na Grenfell Tower sa West London, ngunit humihiling na ang mga residente at mga lider ng komunidad ng kasagutan kung bakit napakabilis ng pagkatupok ng high-rise apartment.

Sa huling tala, 12 bangkay na ang natagpuan, 74 ang sugatan sa mga ospital, at hindi pa mabilang ang nawawala.

Sumiklab ang sunog dakong 1:00 ng madaling araw nitong Miyerkules.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Matindi ang galit ng mamamayan dahil ilang buwan pa lamang ang nakararaan ay nagbabala ang mga aktibista na napakahina ng fire safety procedures sa gusali. Hindi pa rin matukoy ng mga bombero at pulis kung ano ang talagang nangyari.

Patuloy ang imbestigasyon, at tumanggi ang mga awtoridad na magbigay ng espekulasyon sa kung ano ang pinagmulan ng sunog. Ngunit nakatuon ngayon ang imbestigasyon sa renovations noong nakaraang taon na nagdagdag ng dekorasyon sa gusali.

Ang 24-story public housing complex ay pag-aari ng local government council sa distrito ng Kensington at Chelsea at itinayo noong 1970s.

Samantala, kinumpirma ng Malacañang kahapon na mayroong mga Pilipino na nasugatan sa nasabing sunog.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella, binanggit ang mga ulat mula sa Department of Foreign Affairs (DFA), na inaalam pa nila ang eksaktong bilang mga Pinoy na nasugatan sa sunog.

“The Department of Foreign Affairs, through the Philippine Embassy in London, confirmed that some Filipinos are among those injured by the fire in Grenfell Tower,” ani Abella. “The Embassy’s closely monitoring the situation and is ready to provide assistance to all Filipino fire victims.”

Tiniyak ni DFA Spokesperson Robespierre Bolivar na magbibigay sila ng update sa mga naapektuhang Pinoy. “No exact numbers yet especially since London authorities have yet to release updated information,” mensahe sa text ni Bolivar.

Ayon kay Consul General Senen Mangalile, mayroong 5,000 Pinoy sa Royal Borough ng Kensington kung saan matatagpuan ang Grenfell Tower.