Ni: Johnny Dayang

PINANGAT, sisig, lechon at barbecue. Waring masarap at malinamnam itong pahinga sa walang patlang at brutal na bakbakan sa Marawi City at madugong word war sa deklarasyon ng martial law ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Mindanao.

Tila kailangan natin ito.

Maipagmamalaki ng mga Pinoy ang limang katutubong pagkain – ang sisig ni Aling Lucing (Pampanga), Pinangat ni Zeny (Camalig, Albay), General Lechon (Manila), Sharin Kansi Beef Soup (Bacolod) at Dood’s inihaw at barbecue (Davao) – na naisama sa listahan ng Top 50 World Street Food Masters sa katatapos na World Street Food Congress (WSFC) 2017 Manila.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Nangunguna sa listahan ang Hill Street Hwa Pork Noodle ng Singapore, Franklin’s BBQ ng Austin, Texas, USA at Che Paek Pu Ob Voon Sen ng Bangkok.

Sa naturang mga putaheng Pinoy, may naiibang kasaysayan ang nakakalaway na Pinangat ng Albay na gawa sa karneng baboy o isda na kumpleto sa rekado at nakabalot sa dahon ng gabi at niluto sa gata ng niyog.

Sumikat ito dahil sa Culinaria Albay, isang culinary tourism program na pinasimulan ni Albay Rep. Joey S. Salceda nang gobernador siya ng kanyang lalawigan ng siyam na taon. Natulungan ng naturang programa ang ekonomiya ng Albay sa larangan ng kitang buwis mula sa mga katutubong pagkain, handicrafts at turismo.

Ngayong nasa Kongreso na si Salceda, patuloy pa rin ang suporta niya sa Culinaria Albay na inaalalayan ang mga Albayanong negosyante at may-ari ng restawran na lumahok sa mga world food expositions tulad ng WSFC, ang naunang International Food Expo (IFEX) Philippines, at ang Madrid Fusion Manila food expo noong Abril. Dahil sa pambihirang performance ng Albay sa naunang dalawang expo-fair, pinili ng Department of Tourism ang Culinaria Albay na katawanin ang Bicol Region sa May 31-June 4 WSFC na idinaos sa Mall of Asia sa Pasay City.

Inorganisa ni Singaporean photojournalist-entrepreneur Seetoh Makansutra, ang WSFC ay dinaluhan ng world-class chef... at TV host na si Anthony Bourdain, at naging tampok nito ang 28 street food masters mula sa 12 bansa.

Maaari ngang gawing culinary tourism model ang Culinaria Albay ng ibang mga lalawigan na may maipagmamalaking mga natatanging pamanang putahe at magagandang likas na tanawin at yaman para makaakit ng higit na maraming turistang lokal at banyaga.

Nitong nakaraang ilang taon, kinilala at ginawaran ng mga parangal ang Albay dahil sa culinary tourism program at natatanging pandaigdigang yamang panturismo nito na umaakit ng libu-libong turistang internasyunal na malaki ang naitulong sa lokal na ekonomiya nito.