Ni: Marivic Awitan

NAUWI sa blowout ang inaasahang dikdikang laban nang lagukin ng Cignal HD ang Gamboa Coffee Mix, 118-51, kahapon sa pagpapatuloy ng 2017 PBA D League Foundation Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Binura ng Cignal HD ang dating record na biggest winning margin sa liga na 65-puntos na itinala ng dating koponang hawak ni coach Boyet Fernandez -ang NLEX Road Warriors sa iskor na 125-61 kontra Zambales M Builders noong Enero 30, 2014 sa Aspirants Cup sa San Juan Arena.

Si Fernandez ang tumitimon ngayon sa Cignal.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Mula sa 10 puntos na kalamangan sa first quarter,27-17, tuluyang umarya ang Hawkeyes sa third period, matapos magsalansan ng kabuuang 40 puntos na output kumpara sa 11 lamang ng Coffee Lovers na nagresulta sa 90-35 na bentahe.

Naitala ni Reymar Jose ang 11 sa kabuuang 15 puntos sa nasabing yugto habang nagdagdag ng 10 puntos si Byron Villarias upang pamunuan ang nasabing ratsada.

Tumapos na topscorer para sa Hawkeyes sina Villarias at Pamboy Raymundo na may tig-17 puntos kasunod sina Jose at Jeremy Bartolo na may 15 at 14 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Nag-iisa namang tumapos na may double-digit si Ken Acibar para sa Gamboa Coffee Mix sa itinala nitong 10 puntos.

Ayon kay Fernandez, ginamit nila ang nasabing laro bilang paghahanda sa nakatakda nilang laban kontra Racal sa darating na Martes.

“May dalawa na kasi kaming talo, kaya kailangan talaga naming maipanalo yung mga natitira naming laro para sure na parasok kami next round, “ ani Fernandez.

Iskor:

Cignal HD (118) - Raymundo 17, Villarias 17, Jose 15, Bartolo 14, Sara 10, Perkins 9, Bringas 9, Arboleda 6, Potts 6, Cahilig 6, Batino 4, Sumalinog 3, Arong 2, Atkins 0.

Gamboa Coffee Mix (51) - Acibar 10, Acuña 9, Montuano 8, Dadjilul 5, Jumao-as 4, Vidal 3, Avenido 3, Padilla 2, Knuttel 2, David 2, Lacastesantos 2, Sarangay 1, Riva 0, Arellano 0.

Quarterscores: 27-17, 50-24, 90-35, 118-51.