Ni: Beth Camia at Leonel Abasola

Hiniling ng Department of Justice (DoJ) sa Department of Foreign Affairs (DFA) na kanselahin ang pasaporte ng aminadong miyembro ng Davao Death Squad (DDS) na si retired SPO3 Arturo Lascañas.

Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, nahaharap ngayon si Lascañas sa tatlong warrant of arrest.

Aniya, ngayong nasa ibang bansa si Lascañas, walang indikasyon na ito ay babalik sa Pilipinas kaya dapat nang kanselahin ang pasaporte nito.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sinabi ni Aguirre na nitong Miyerkules, nagpadala siya ng formal request kay Foreign Affairs Secretary Allan Peter Cayetano upang kanselahin ang pasaporte ni Lascañas matapos ipag-utos sa National Bureau of Investigation (NBI) na makipagtulungan sa International Police Organization (Interpol) sa pagtugis at paghuli kay Lascañas.

Ayon pa kay Aguirre, sapat na ang warrant of arrest na inisyu ng Davao City Regional Trial Court laban kay Lascañas kaugnay ng pagpatay sa mamamahayag na si Jun Pala noong 2003.

Ayon sa Bureau of Immigration, nilisan ni Lascañas ang Pilipinas, kasama ang kanyang pamilya, patungong Singapore noong Abril 8, at inaasahang babalik ng Abril 22, ngunit hindi na umuwi.

Kaugnay nito, iginiit naman ni Senator Antonio Trillanes IV na si Aguirre ang nagkakanlong ng kriminal sa katauhan ni Pangulong Duterte.

“If there is someone harboring a criminal, then it is Aguirre himself because the mastermind and mass murderer here is his boss, Duterte,” ani Trillanes.

Ang pahayag n Trillanes ay tugon sa sinabi ni Aguirre na dapat imbestigahan ang mga mambabatas na nagkukupkop kay Lascañas.

Aniya, ang mga alipores umano ng Pangulo ang dapat akusahan ng obstruction of justice dahil sa panghihimasok sa impeachment complaint laban sa Pangulo at agarang pag-dismiss sa imbestigasyon ng Senado tungkol sa DDS.