Ni: AYEE MACARAIG ng Agencé France Presse
Sa gitna ng pagpapatuloy ng mahigit tatlong linggo nang bakbakan sa Marawi City, ilang sibilyang naipit sa siyudad ang saklot na ngayon ng matinding pangamba, desperasyon, at kawalang pag-asa.
Bukod sa ginagawang human shields ang ilan, iniulat din ng militar na ginagawa ring alipin ng Maute ang ilang sibilyan; inuutusan nilang magluto para sa kanila, o kaya naman ay pinagbibitbit ng mga bala.
Kuwento ni Nick Andeleg, ang 26-anyos na obrero na nagawang makatakas nitong Martes, naglakas-loob siya at kanyang mga kasama na tumakas dahil batid nilang posibleng mauwi rin sa kamatayan ang paghihintay nila ng rescue.
“Akala namin kami na lang ang naiwan doon (Marawi). Naisip naman na mas mabuting tumakas kami. Kung napatay man kami sa labas ng bahay, kahit paano nagtangka naman kaming iligtas ang sarili namin,” kuwento ni Andeleg sa Agencé France Presse habang isinasalaysay kung paanong pinanonood nila ang pagwasak ng mga bomba sa mga bahay sa paligid nila.
“Kung saan-saan kami nagtatago. Sa ilalim ng kahit anong furniture nagtatago kami: sa kama, sa cabinet, sa banyo.
Para kaming mga daga na nagtatago kahit saan puwede.”
KARTON ANG PAGKAIN
Batay sa huling taya, 26 na sibilyan na ang nakukumpirmang nasawi sa bakbakan.
Ngunit naniniwala ang mga lokal na opisyal at mga aid worker na mas malaki pa ang bilang na ito, at posibleng nangabulok na ang mga bangkay sa mga lugar na kontrolado ng Maute—at lumulubha ang sitwasyon dahil na rin sa kakapusan ng pagkain.
“’Yung ilang residente kumakain na lang ng karton (cardboard box). Inilulubog na lang nila sa tubig para lumambot, tapos kakainin nila,” sabi ni Zia Alonto, tagapagsalita ng provincial crisis management committee, batay sa kuwento ng mga na-rescue sa Marawi.
“Nakakalungkot. Hindi maubos-maisip na mangyayari ang ganito sa kanila.”
WALANG KATAPUSANG PAGHIHINTAY
Sa isang evacuation center sa labas ng Marawi, hindi naman napapatlangan ang pagdarasal ni Camalia Baunto para sa kanyang asawa na nananatiling nasa lugar ng labanan.
Kabilang ang asawa niyang si Nixon Baunto sa daan-daang sibilyang na-trap at araw-araw na nababagabag sa mga pambobomba, sa bala ng sniper, sa matinding gutom, at sa kawalan ng gamutang medikal.
Ilan sa mga sibilyan ang sumugal sa dalawang kilometrong salitan ng takbo, tago at langoy sa nakalipas na tatlong linggo ng bakbakan, batid ang panganib na masapol ng bala ng sniper ng mga terorista—at araw-araw na naghihintay si Camalia sa labas ng bantay-saradong pampublikong gusali na isang araw ay ligtas na babalik sa kanya ang kanyang mister.
HINDI MAKATAKAS SA SOBRANG TAKOT
“Sobrang sakit sa akin. Lagi akong natatakot na baka mabaril siya,” sinabi ni Camalia, 43, sa AFP habang pinipigil na maiyak at aligagang inaayos ang kanyang suot na hijab.
“Hindi na siya makatakas sa sobrang takot. Na-trauma siya. Kahit kami nga rito sa labas [ng Marawi] natatakot din kasi hindi mo talaga alam kung saan manggagaling ang mga bala.”
Bagamat karamihan sa mahigit 200,000 residente ng siyudad ay kaagad na nakalikas sa simula pa lamang ng bakbakan, tinataya ng mga awtoridad na nasa 300-1,700 sibilyan pa ang nananatili sa mga bahagi ng siyudad na hawak pa rin ng Maute.
Nasa labas ng Marawi ang pamilya ni Camalia nang kubkubin ng Maute ang siyudad, ngunit nagtungo sa siyudad ang kanyang mister upang ikandado ang kanilang bahay at hardware store.
Simula noon, ilang beses na rin siyang tinawagan ng mister upang ikuwento ang nakakatakot nitong pakikipaglaban sa kaligtasan sa araw-araw.
“Hindi siya kumakain. Hindi natutulog. Bomba rito, bomba roon. Nanghihina na siya,” ani Camalia. “Kailan ba matatapos ‘to?”