draymond-green copy

OAKLAND, Calif. (AP) – Hindi lamang sa kampeonato bumawi si Golden State Warriors forward Draymond Green kundi maging sa pambubuska kay Lebron James ng Cleveland Cavaliers.

Sa ginanap na champion parade at rally para sa ikalawang kampeonato ng Warriors sa tatlong sunod na season nitong Huwebes (Biyernes sa Manila) sa Oakland, California, suot ng palabang si Green ang itim na t-shirt na may nakalimpag na salitang “Quickie,” na ang istilo ng “Q’’ ay itinulad sa Quicken Loans – ang arena ng Cavs.

Sa panayam ng NBC Bay Area, sinabi ni Green na ang ibig ipakahulugan nito ay ang mabilis na panalo ng Warriors sa serye laban sa Cavaliers.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

“The Q, that’s what those guys’ arena is called. Got ’em outta here quick with the trophy—Quickie,” pahayag ni Green, kasabay nang pag-amin na bahagi ito ng pagbibiro niya kay James na itinuring niyang kaibigan.

“You know, I can’t forget the Ultimate Warrior shirt last year from LeBron,” aniya, patungkol sa suot na t-shirt ni James nang nagdiwang ang Clevelands sa kanilang unang titulo noong 2016. “And, you know, the 3-1 tombstone cookies, and all of that. So I was waiting on this moment. But definitely my guy. That’s family.”

Ginapi ng Warriors si James at ang Cavaliers sa limang laro ng Finals.

Ngunit, sa kainitan ng talumpati sa rally, itinuloy ni Green ang pambubuska kay James, higit sa naging pahayag nito na hindi siya lumaro sa kanyang career sa isang ‘super team’ na tulad umano ng Golden State.

“Super team this, super team that. ‘I never played on a superteam.’ You started the superteam, bro,” pahayag ni Green.

Nilisan ni James ang Cleveland para makipagtambalan nina All-Stars Dwyane Wade at Chris Bosh sa Miami Heat lung saan natikman ng four-time MVP ang unang tamis ng kampeonato noong 2012.

Batay sa pag-aanalisa ng mga basketball critics, matatawag na ‘super team’ ang Warriors sa pagkakadagdag ni Kevin Durant.